At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises, na sinasabi,
Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y bumalik at humantong sa tapat ng Pi-hahiroth, sa pagitan ng Migdol at ng dagat, sa tapat ng Baalzephon: sa tapat niyaon hahantong kayo, sa tabi ng dagat.
At sasabihin ni Faraon tungkol sa mga anak ni Israel: Nangasisilo sila sa lupain, sila'y naliligid ng ilang.
At aking papagmamatigasin ang puso ni Faraon, at kaniyang hahabulin sila at kayo'y magiimbot ng karangalan kay Faraon, at sa lahat niyang hukbo; at malalaman ng mga Egipcio, na ako ang Panginoon. At kanilang ginawang gayon.
At nasabi sa hari sa Egipto, na ang bayan ay tumakas: at ang puso ni Faraon at ng kaniyang mga lingkod ay nagbago tungkol sa bayan, at kanilang sinabi, Ano itong ating ginawa, na ating pinayaon ang Israel, upang huwag na tayong mapaglingkuran?
At inihanda ni Faraon ang kaniyang karro, at kaniyang ipinagsama ang kaniyang bayan:
At siya'y nagdala ng anim na raang piling karro, at lahat ng mga karro sa Egipto, at ng mga kapitan na namumuno sa lahat ng mga yaon.
At pinapagmatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon na hari sa Egipto, at hinabol niya ang mga anak ni Israel, sapagka't ang mga anak ni Israel ay nagsialis na may lubos na pagkakatiwala.
At hinabol sila ng mga Egipcio, ng lahat ng mga kabayo at ng karro ni Faraon, at ng kaniyang mga taong mangangabayo, at ng kaniyang hukbo, at inabutan sila noong nakahantong sa tabi ng dagat, na nasa siping ng Pi-hahirot, sa tapat ng Baal-zefon.
At nang si Faraon ay nalalapit, ay itiningin ng mga anak ni Israel ang kanilang mga mata, at, narito, ang mga Egipcio ay sumusunod sa kanila; at sila'y natakot na mainam: at ang mga anak ni Israel ay humibik sa Panginoon.