Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 12:1-20

EXODO 12:1-20 ABTAG

At ang Panginoon ay nagsalita kay Moises at kay Aaron sa lupain ng Egipto, na sinasabi, Ang buwang ito'y magiging sa inyo'y pasimula ng mga buwan: siyang magiging unang buwan ng taon sa inyo. Salitain ninyo sa buong kapisanan ng Israel na inyong sabihin: Sa ikasangpung araw ng buwang ito ay magsisikuha sila sa ganang kanila, bawa't lalake, ng isang kordero, ayon sa mga sangbahayan ng kanikanilang mga magulang, isang kordero sa bawa't sangbahayan: At kung ang sangbahayan ay napakakaunti upang kumain ng isang kordero, ay siya nga at ang kaniyang malapit na kapitbahay ay magsasalosalo sa isa ayon sa bilang ng mga tao; ayon sa bawa't tao na kumakain gagawin ninyo ang pagbilang, sa kordero. Ang inyong korderong pipiliin ay yaong walang kapintasan, isang lalake, na iisahing taon: inyong kukunin sa mga tupa, o sa mga kambing: At inyong aalagaan hanggang sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, at papatayin ng buong kapulungan ng kapisanan ng Israel, sa paglubog ng araw. At kukuha sila ng dugo niyan, at ilalagay sa dalawang haligi ng pinto at sa itaas ng pintuan, sa mga bahay na kanilang kakainan. At kanilang kakanin ang laman sa gabing yaon, na inihaw sa apoy, at tinapay na walang lebadura, kakanin nilang kaulam ng mapapait na gulay. Huwag ninyong kaning hilaw, o luto man sa tubig, kundi inihaw sa apoy; ang kaniyang ulo pati ng kaniyang mga paa at pati ng kaniyang mga lamang loob. At huwag kayong magtitira ng anoman niyaon hanggang sa kinaumagahan; kundi yaong matitira niyaon sa kinaumagahan ay inyong susunugin sa apoy. At ganito ninyo kakanin; may bigkis ang inyong baywang, ang inyong mga pangyapak ay nakasuot sa inyong mga paa, at ang inyong tungkod ay tangnan ninyo sa inyong kamay; at inyong kakaning dalidali; siyang paskua ng Panginoon. Sapagka't ako'y dadaan sa lupain ng Egipto sa gabing yaon, at aking lilipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Egipto, maging tao at maging hayop; at gagawa ako ng kahatulan laban sa lahat ng mga dios sa Egipto, ako ang Panginoon. At ang dugo ay magiging sa inyo'y isang tanda sa mga bahay na inyong kinaroroonan: at pagka aking nakita ang dugo, ay lalampasan ko kayo, at walang salot na sasainyo, na papatay sa inyo, pananakit ko sa lupaing Egipto. At ang araw na ito'y magiging sa inyo'y isang alaala, at inyong ipagdidiwang na pinakapista sa Panginoon; sa buong panahon ng inyong lahi ay inyong ipagdidiwang na pinakapista na bilang tuntunin magpakailan man. Pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang lebadura; sa unang araw ay inyong ihihiwalay sa inyong mga bahay ang lebadura; sapagka't sinomang kumain ng tinapay na may lebadura mula sa unang araw hanggang sa ikapitong araw ay ihihiwalay sa Israel, ang taong yaon. At sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagkakatipon at sa ikapitong araw man ay magkakaroon ding kayo ng isang banal na pagkakatipon; walang anomang gawa na gagawin sa mga araw na iyan, liban na yaong nararapat kanin ng bawa't tao, na siya lamang maaaring gawin ninyo. At iyong ipangingilin ang pista ng tinapay na walang lebadura; sapagka't sa araw ring ito kinuha ko ang inyong mga hukbo sa lupain ng Egipto: kaya't inyong ipangingilin ang araw na ito sa buong panahon ng inyong lahi, na bilang tuntunin magpakailan man. Sa unang buwan ng ikalabing apat na araw ng buwan sa paglubog ng araw ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura, hanggang sa ikadalawang pu't isang araw ng buwan, sa paglubog ng araw. Pitong araw, na walang masusumpungang lebadura sa inyong mga bahay: sapagka't sinomang kumain niyaong may lebadura, ay ihihiwalay sa kapisanan ng Israel, ang taong yaon, maging taga ibang lupa, o maging ipinanganak sa lupain. Huwag kayong kakain ng anomang bagay na may lebadura; sa lahat ng inyong mga tahanan ay kakain kayo ng tinapay na walang lebadura.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa EXODO 12:1-20