Hindi ipinakilala ni Esther ang kaniyang bayan o ang kaniyang kamaganakan man; sapagka't ibinilin sa kaniya ni Mardocheo na huwag niyang ipakilala.
At si Mardocheo ay lumakad araw-araw sa harap ng looban ng bahay ng mga babae, upang maalaman kung anong ginagawa ni Esther, at kung ano ang mangyayari sa kaniya.
Nang sumapit nga ang paghahalihalili ng bawa't dalaga na pasukin ang haring Assuero, pagkatapos na magawa sa kaniya ang ayon sa kautusan sa mga babae, na labing dalawang buwan, (sapagka't ganito nagaganap ang mga araw ng kanilang paglilinis, sa makatuwid baga'y anim na buwan na ma'y langis na mirra, at anim na buwan na may mainam na pabango, at ng mga bagay na ukol sa paglilinis ng mga babae.)
Sa ganito ngang paraan naparoroon ang dalaga sa hari: Na anomang kaniyang nasain ay ibinibigay sa kaniya upang yumaong kasama niya na mula sa bahay ng mga babae hanggang sa bahay ng hari.
Sa kinahapunan ay naparoroon siya, at sa kinaumagahan ay bumabalik siya sa ikalawang bahay ng mga babae, sa pamamahala ni Saasgaz, na kamarero ng hari, na nagiingat sa mga babae; hindi na niya pinapasok ang hari malibang ang hari ay malugod sa kaniya, at siya'y tawagin sa pangalan.
Nang sumapit ang paghalili nga ni Esther, na anak ni Abihail, na amain ni Mardocheo, na umaring anak kay Esther, upang pasukin ang hari, wala siyang tinamong anoman, kundi ang ibinigay ni Hegai na kamarero ng hari, na tagapagingat sa mga babae. At si Esther ay nilingap ng lahat na nakakita sa kaniya.
Sa gayo'y dinala si Esther sa haring Assuero sa loob ng kaniyang bahay-hari, nang ikasangpung buwan na siyang buwan ng Tebeth nang ikapitong taon ng kaniyang paghahari.
At sininta ng hari si Esther ng higit kay sa lahat na babae, at siya'y nilingap at minahal na higit kay sa lahat na dalaga; na anopa't kaniyang ipinutong ang putong na pagkareina sa kaniyang ulo, at ginawa siyang reina na kahalili ni Vasthi.
Nang magkagayo'y gumawa ang hari ng malaking kapistahan sa kaniyang lahat na prinsipe at kaniyang mga lingkod, sa makatuwid baga'y kapistahan ni Esther; at siya'y gumawa ng pagpapatawad ng sala sa mga lalawigan, at nagbigay ng mga kaloob, ayon sa kalooban ng hari.