Datapuwa't nang dumating ang ikalabingapat na gabi, samantalang kami'y ipinapadpad ng hangin sa magkabikabila ng Dagat ng Adriatico, nang maghahating gabi na ay sinasapantaha ng mga mangdaragat na sila'y nangalalapit na sa isang lupain.
At kanilang tinarok, at nasumpungang may dalawangpung dipa; at pagkasulongsulong ng kaunti, ay tinarok nilang muli at nasumpungang may labinglimang dipa.
At sa takot naming mapapadpad sa batuhan, ay nangaghulog sila ng apat na sinepete sa hulihan, at iniibig magumaga na.
At sa pagpipilit ng mga mangdaragat na mangagtanan sa daong, at nang maibaba na ang bangka sa dagat, na ang dinadahilan ay mangaghuhulog sila ng mga sinepete sa unahan,
Ay sinabi ni Pablo sa senturion at sa mga kawal, Maliban na magsipanatili ang mga ito sa daong, kayo'y hindi mangakaliligtas.
Nang magkagayo'y pinutol ng mga kawal ang mga lubid ng bangka, at pinabayaang mahulog.
At samantalang naguumaga, ay ipinamanhik ni Pablo sa lahat na magsikain, na sinasabi, Ang araw na ito ang ikalabingapat na araw na kayo'y nangaghihintay at nangagpapatuloy sa hindi pagkain, na walang kinakaing anoman.
Kaya nga ipinamamanhik ko sa inyo na kayo'y magsikain: sapagka't ito'y sa ikaliligtas ninyo: sapagka't hindi mawawala kahit isang buhok sa ulo ng sinoman sa inyo.
At nang masabi na niya ito, at makadampot ng tinapay, ay nagpasalamat siya sa Dios sa harapan ng lahat; at kaniyang pinagputolputol, at pinasimulang kumain.
Nang magkagayo'y nagsilakas ang loob ng lahat, at sila nama'y pawang nagsikain din.
At kaming lahat na nangasa daong ay dalawang daan at pitongpu't anim na kaluluwa.
At nang mangabusog na sila, ay pinagaan nila ang daong, na ipinagtatapon sa dagat ang trigo.
At nang magumaga na, ay hindi nila makilala ang lupain; datapuwa't nababanaagan nila ang isang look ng dagat na may baybayin, at sila'y nangagsangusapan kung kanilang maisasadsad ang daong doon.
At inihulog ang mga sinepete, at kanilang pinabayaan sa dagat, samantalang kinakalag ang mga tali ng mga ugit; at nang maitaas na nila sa hangin ang layag sa unahan, ay nagsipatungo sila sa baybayin.
Datapuwa't pagdating sa isang dako na pinagsasalubungan ng dalawang dagat, ay kanilang isinadsad ang daong; at ang unahan ng daong ay napabunggo at tumigil na hindi kumikilos, datapuwa't nagpasimulang magkawasakwasak ang hulihan sa kalakasan ng mga alon.
At ang payo ng mga kawal ay pagpapatayin ang mga bilanggo, upang ang sinoma'y huwag makalangoy at makatanan.
Datapuwa't ang senturion, sa pagkaibig na iligtas si Pablo, ay pinigil sila sa kanilang balak; at ipinagutos na ang mga makalangoy ay magsitalon, at mangaunang magsidating sa lupa;
At sa mga naiwan, ang iba'y sa mga kahoy, at ang iba nama'y sa mga bagay na galing sa daong. At sa ganito nangyari, na ang lahat ay nangakatakas na ligtas hanggang sa lupa.