At nangyari sa pagpihit ng taon sa panahon ng paglabas ng mga hari sa pakikipagbaka, na sinugo ni David si Joab, at ang kaniyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel; at kanilang nilipol ang mga anak ni Ammon at kinubkob sa Rabba. Nguni't si David ay naghintay sa Jerusalem.
At nangyari sa kinahapunan, na si David ay bumangon sa kaniyang higaan, at lumakad sa bubungan ng bahay ng hari: at mula sa bubungan ay kaniyang nakita ang isang babae na naliligo; at ang babae ay totoong napakagandang masdan.
At nagsugo si David, at nagpasiyasat tungkol sa babae. At sinabi ng isa, Hindi ba ito ay si Bath-sheba na anak ni Eliam, na asawa ni Uria na Hetheo?
At si David ay nagsugo ng mga sugo, at kinuha siya; at siya'y pumaroon sa kaniya, at kaniyang sinipingan siya (sapagka't siya'y malinis sa kaniyang karumihan;) at siya'y bumalik sa kaniyang bahay.
At ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at nasaysay kay David, at nagsabi: Ako'y buntis.
At nagsugo si David kay Joab, na sinasabi, Suguin mo sa akin si Uria na Hetheo. At sinugo ni Joab si Uria kay David.
At nang si Uria ay dumating sa kaniya, tinanong ni David siya kung paano ang tayo ni Joab, at kung ano ang kalagayan ng bayan, at kung paano ang tayo ng pagbabaka.
At sinabi ni David kay Uria, Babain mo ang iyong bahay, at iyong hugasan ang iyong mga paa. At umalis si Uria sa bahay ng hari at isinusunod sa kaniya ang isang pagkain na mula sa hari.
Nguni't natulog si Uria sa pintuan ng bahay ng hari na kasama ng lahat ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, at hindi binaba ang kaniyang bahay.
At nang masaysay kay David, na sabihin, Hindi binaba ni Uria ang kaniyang bahay, sinabi ni David kay Uria, Hindi ka pa ba nakapaglalakbay? bakit hindi mo binaba ang iyong bahay?
At sinabi ni Uria kay David, Ang kaban, at ang Israel, at ang Juda, ay nasa mga tolda at ang aking panginoon si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon, ay nangahahantong sa luwal na parang; yayaon nga ba ako sa aking bahay, upang kumain, at upang uminom, at upang sumiping sa aking asawa? buhay ka, at buhay ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.
At sinabi ni David kay Uria, Tumigil ka rin dito ngayon at bukas ay aking payayaunin ka. Sa gayo'y tumigil si Uria sa Jerusalem sa araw na yaon, at sa kinabukasan.
At nang tawagin siya ni David, siya'y kumain at uminom sa harap niya; at kaniyang nilango siya: at sa kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kaniyang higaan na kasama ng mga lingkod ng kaniyang panginoon, nguni't hindi niya binaba ang kaniyang bahay.
At nangyari, sa kinaumagahan, na sumulat si David ng isang sulat kay Joab, at ipinadala sa pamamagitan ng kamay ni Uria.
At kaniyang isinulat sa sulat, na sinasabi, Ilagay mo si Uria sa pinakaunahan ng mahigpit na pagbabaka, at kayo'y magsiurong mula sa kaniya, upang siya'y masaktan, at mamatay.
At nangyari, nang bantayan ni Joab ang bayan, na kaniyang inilagay si Uria sa dakong kaniyang nalalaman na kinaroroonan ng mga matapang na lalake.
At ang mga lalake sa bayan ay nagsilabas at nakipagbaka kay Joab: at nangabuwal ang iba sa bayan, sa mga lingkod ni David; at si Uria na Hetheo ay namatay rin.
Nang magkagayo'y nagsugo si Joab, at isinaysay kay David ang lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka;
At kaniyang ibinilin sa sugo, na sinasabi, Pagka ikaw ay nakatapos na magsaysay sa hari ng lahat ng mga bagay tungkol sa pagbabaka,
Mangyari na, kung ang galit ng hari ay maginit, at kaniyang sabihin sa iyo: Bakit kayo lumapit na mabuti sa bayan upang bumaka? hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa kuta?
Sino ang sumakit kay Abimelech na anak ni Jerobaal? hindi ba isang babae ang naghagis ng isang bato sa ibabaw ng gilingan sa kaniya mula sa kuta, na anopa't siya'y namatay sa Thebes? bakit kayo'y nagpakalapit sa kuta? saka mo sasabihin, Ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.
Sa gayo'y yumaon ang sugo, at naparoon at isinaysay kay David ang lahat na iniutos sa kaniya ni Joab.
At sinabi ng sugo kay David, Ang mga lalake ay nanganaig laban sa amin, at nilabas kami sa parang, at aming pinaurong sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.
At pinana ng mga mamamana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang iba sa mga lingkod ng hari ay nangamatay, at ang iyong lingkod na si Uria na Hetheo ay namatay rin.
Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, Ganito ang iyong sasabihin kay Joab: Huwag mong masamain ang bagay na ito, sapagka't nilalamon ng tabak maging ito gaya ng iba: iyong palakasin pa ang iyong pagbabaka laban sa bayan, at iwasak: at iyong palakasin ang loob niya.
At nang marinig ng asawa ni Uria na si Uria na kaniyang asawa ay namatay, kaniyang tinangisan ang kaniyang asawa.
At nang ang pagtangis ay makaraan, ay nagsugo si David at kinuha siya sa kaniyang bahay, at siya'y naging kaniyang asawa, at nagkaanak sa kaniya ng isang lalake. Nguni't ang bagay na ginawa ni David ay minasama ng Panginoon.