Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 13:1-14

I SAMUEL 13:1-14 ABTAG

Si Saul ay may (apat na pung) taong gulang nang siya'y magpasimulang maghari; at siya'y nagharing dalawang taon sa Israel. At pumili si Saul para sa kaniya ng tatlong libong lalake sa Israel, na ang dalawang libo ay kasama ni Saul sa Michmas at sa bundok ng Bethel, at ang isang libo ay kasama ni Jonathan sa Gabaa ng Benjamin: at ang labis ng bayan ay sinugo niya bawa't isa sa kaniyang tolda. At sinaktan ni Jonathan ang pulutong ng mga Filisteo na nasa Geba; at nabalitaan ng mga Filisteo. At hinipan ni Saul ang pakakak sa buong lupain, na sinasabi, Marinig ng mga Hebreo. At narinig nga ng buong Israel ng sabihin na sinaktan ni Saul ang pulutong ng mga Filisteo, at ang Israel naman ay naging kasuklam-suklam sa mga Filisteo. At ang bayan ay nagpipisan na sumunod kay Saul sa Gilgal. At ang mga Filisteo ay nagpupulong upang lumaban sa Israel, tatlong pung libong karo, at anim na libong mangangabayo, at ang bayan na gaya ng buhangin na nasa baybayin ng dagat sa karamihan: at sila'y umahon at humantong sa Michmas sa dakong silanganan ng Beth-aven. Nang makita ng mga lalake ng Israel na sila'y nasa kagipitan, (sapagka't ang bayan ay napipighati) ang bayan nga ay nagkubli sa mga yungib, at sa mga tinikan, at sa mga bato, at sa mga katibayan, at sa mga hukay. Ang iba nga sa mga Hebreo ay tumawid sa Jordan na patungo sa lupain ng Gad, at ng Galaad; nguni't si Saul ay nasa Gilgal siya, at ang buong bayan ay sumunod sa kaniya na nanginginig. At siya'y naghintay ng pitong araw, ayon sa takdang panahon na itinakda ni Samuel: nguni't si Samuel ay hindi naparoon sa Gilgal; at ang bayan ay nangangalat sa kaniya. At sinabi ni Saul, Dalhin dito sa akin ang handog na susunugin, at ang handog tungkol sa kapayapaan. At kaniyang inihandog ang handog na susunugin. At nangyari, na pagkatapos niyang maihandog ang handog na susunugin, narito, si Samuel ay dumating; at lumabas si Saul na sinalubong siya upang bumati sa kaniya. At sinabi ni Samuel, Ano ang iyong ginawa? At sinabi ni Saul, Sapagka't aking nakita na ang bayan ay nangangalat sa akin, at hindi ka dumarating sa mga takdang araw, at ang mga Filisteo ay nagpupulong sa Michmas; Kaya aking sinabi, Ngayo'y lulusungin ako ng mga Filisteo sa Gilgal, at hindi ko pa naipamamanhik ang kagalingan sa Panginoon: ako'y nagpumilit nga at inihandog ko ang handog na susunugin. At sinabi ni Samuel kay Saul, Gumawa kang may kamangmangan; hindi mo ginanap ang utos ng Panginoon mong Dios na iniutos niya sa iyo: sapagka't itinatag sana ng Panginoon ang kaniyang kaharian sa Israel magpakailan man. Nguni't ngayon ay hindi matutuloy ang iyong kaharian: ang Panginoo'y humanap para sa kaniya ng isang lalaking ayon sa kaniyang sariling puso, at inihalal ng Panginoon siya na maging prinsipe sa kaniyang bayan, sapagka't hindi mo ginanap ang iniutos ng Panginoon sa iyo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa I SAMUEL 13:1-14