At si Salomon ay tumayo sa harap ng dambana ng Panginoon, sa harapan ng buong kapisanan ng Israel, at iginawad ang kaniyang mga kamay sa dakong langit:
At kaniyang sinabi, Oh Panginoong Dios ng Israel, walang Dios na gaya mo, sa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba; na siyang nagiingat ng tipan at ng kaawaan sa iyong mga lingkod, na lumalakad sa harap mo ng kanilang buong puso.
Na siyang nagingat sa iyong lingkod na kay David na aking ama ng iyong ipinangako sa kaniya: oo, ikaw ay nagsalita ng iyong bibig, at ginanap mo ng iyong kamay, gaya sa araw na ito.
Ngayon nga, Oh Panginoon, na Dios ng Israel, tuparin mo sa iyong lingkod na kay David na aking ama ang iyong ipinangako sa kaniya, na iyong sinasabi, Hindi magkukulang sa iyo ng lalake sa aking paningin, na uupo sa luklukan ng Israel, kung ang iyong mga anak lamang ay magsisipagingat ng kanilang lakad, na magsisilakad sa harap ko na gaya ng inilakad mo sa harap ko.
Ngayon nga, Oh Dios ng Israel, idinadalangin ko sa iyo na papangyarihin mo ang iyong salita na iyong sinalita sa iyong lingkod na kay David na aking ama.
Nguni't katotohanan bang tatahan ang Dios sa lupa? Narito, sa langit at sa langit ng mga langit ay hindi ka magkasiya; gaano pa sa bahay na ito na aking itinayo!
Gayon ma'y iyong pakundanganan ang dalangin ng iyong lingkod at ang kaniyang pamanhik, Oh Panginoon kong Dios, na dinggin ang daing at dalangin na idinadalangin ng iyong lingkod sa harap mo sa araw na ito:
Na anopa't ang iyong mga mata ay idilat sa dako ng bahay na ito gabi at araw, sa dakong iyong sinabi, Ang aking pangalan ay doroon; upang dinggin ang panalangin na idadalangin ng iyong lingkod sa dakong ito.
At dinggin mo ang pamanhik ng iyong lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka sila'y mananalangin sa dakong ito: oo, dinggin mo sa langit na iyong tahanang dako; at pagka iyong narinig patawarin mo.
Kung ang isang tao ay magkasala laban sa kaniyang kapuwa, at papanumpain siya upang siya'y sumumpa, at siya'y pumarito at manumpa sa harap ng iyong dambana sa bahay na ito:
Dinggin mo nga sa langit, at iyong gawin, at hatulan mo ang iyong mga lingkod, na iyong parusahan ang masama, upang iyong dalhin ang kaniyang lakad sa kaniyang sariling ulo; at ariing-ganap ang matuwid, upang bigyan siya ng ayon sa kaniyang katuwiran.
Pagka ang iyong bayang Israel ay nasaktan sa harap ng kaaway, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo; kung sila'y bumalik sa iyo, at ipahayag ang iyong pangalan, at dumalangin at pumanhik sa iyo sa bahay na ito:
Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong bayang Israel, at dalhin mo sila uli sa lupain na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang.
Pagka ang langit ay nasarhan, at walang ulan, dahil sa sila'y nagkasala laban sa iyo; kung sila'y dumalangin sa dakong ito, at ipahayag ang iyong pangalan, at talikdan ang kanilang kasalanan, pagka iyong pinighati sila:
Dinggin mo nga sa langit, at ipatawad mo ang sala ng iyong mga lingkod, at ng iyong bayang Israel, pagka iyong tuturuan sila ng mabuting daan na kanilang dapat lakaran; at paulanan mo ang iyong lupain na iyong ibinigay sa iyong bayan na pinakamana.
Kung magkaroon ng kagutom sa lupain, kung magkaroon ng salot, kung magkaroon ng pagkakatuyot, o amag, balang o tipaklong, kung kulungin sila ng kanilang kaaway sa lupain ng kanilang mga bayan; anomang salot, anomang sakit na magkaroon,
Anomang dalangin at pamanhik na gawin ng sinomang tao, o ng iyong buong bayang Israel, na makikilala ng bawa't tao ang salot sa kaniyang sariling puso, at iuunat ang kaniyang mga kamay sa dako ng bahay na ito:
Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at ikaw ay magpatawad at gumawa, at gumanti ka sa bawa't tao ayon sa lahat niyang mga lakad na ang puso ay iyong natataho; (sapagka't ikaw, ikaw lamang ang nakakataho ng mga puso ng lahat ng mga anak ng mga tao;)
Upang sila'y matakot sa iyo sa lahat ng kaarawan na kanilang ikabubuhay sa lupain na iyong ibinigay sa aming mga magulang.
Bukod dito'y tungkol sa taga ibang lupa, na hindi sa iyong bayang Israel, pagka siya'y magbubuhat sa isang malayong lupain dahil sa iyong pangalan
(Sapagka't kanilang mababalitaan ang iyong dakilang pangalan, at ang iyong makapangyarihang kamay, at ang iyong unat na bisig:) pagka siya'y paririto at dadalangin sa dako ng bahay na ito;
Dinggin mo nga sa langit na iyong tahanang dako, at gawin mo ang ayon sa lahat na idalangin sa iyo ng taga ibang lupa; upang makilala ng lahat ng mga bayan sa lupa ang iyong pangalan, upang matakot sa iyo, gaya ng iyong bayang Israel, at upang kanilang makilala na ang bahay na ito na aking itinayo ay tinatawag sa pamamagitan ng iyong pangalan.
Kung ang iyong bayan ay lumabas sa pakikipagbaka laban sa kaniyang mga kaaway, saan mo man sila suguin, at manalangin sa Panginoon sa dako ng bayan na iyong pinili, at sa dako ng bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
Dinggin mo nga sa langit ang kanilang dalangin at ang kanilang pamanhik, at alalayan mo ang kanilang usap.
Kung sila'y magkasala laban sa iyo, (sapagka't walang tao na di nagkakasala,) at ikaw ay magalit sa kanila, at ibigay mo sila sa kaaway, na anopa't sila'y dalhing bihag sa lupain ng kaaway sa malayo o sa malapit;
Gayon ma'y kung sila'y magbulay sa kanilang sarili sa lupain na pagdadalhang bihag sa kanila, at magbalik-loob, at mamanhik sa iyo sa lupaing pinagdalhan sa kanila na bihag, na magsabi, Kami ay nagkasala, at kami ay gumawa ng kalikuan, kami ay gumawa ng kasamaan;
Kung sila'y bumalik sa iyo ng buong puso nila at ng buong kaluluwa nila sa lupain ng kanilang mga kaaway, na nagdala sa kanilang bihag, at manalangin sa iyo sa dako ng kanilang lupain, na iyong ibinigay sa kanilang mga magulang, na bayang pinili mo, at bahay na aking itinayo na ukol sa iyong pangalan:
Dinggin mo nga ang kanilang dalangin at ang kanilang pamanhik sa langit na iyong tahanang dako, at alalayan mo ang kanilang usap;
At patawarin mo ang iyong bayan, na nagkasala laban sa iyo, at ang lahat nilang pagsalangsang na kanilang isinalangsang laban sa iyo; at mahabag ka sa kanila sa harap niyaong mga nagdalang bihag sa kanila, upang sila'y mahabag sa kanila
(Sapagka't sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas sa Egipto sa gitna ng hurnong bakal):
Upang ang iyong mga mata'y madilat sa dalangin ng iyong lingkod, at sa dalangin ng iyong bayang Israel, upang iyong dinggin sila sa anomang panahong kanilang idaing sa iyo.
Sapagka't iyong inihiwalay sila sa gitna ng lahat ng mga bayan sa lupa upang maging iyong mana, gaya ng iyong sinalita sa pamamagitan ni Moises na iyong lingkod nang iyong ilabas ang aming mga magulang sa Egipto, Oh Panginoong Dios.