Ngayo'y may iba't ibang mga kaloob, datapuwa't iisang Espiritu.
At may iba't ibang mga pangangasiwa, datapuwa't iisang Panginoon.
At may iba't ibang paggawa, datapuwa't iisang Dios na gumagawa ng lahat ng mga bagay sa lahat.
Datapuwa't sa bawa't isa ay ibinibigay ang paghahayag ng Espiritu, upang pakinabangan naman.
Sapagka't sa isa, sa pamamagitan ng Espiritu ay ibinibigay ang salita ng karunungan; at sa iba'y ang salita ng kaalaman ayon din sa Espiritu:
Sa iba'y ang pananampalataya, sa gayon ding Espiritu; at sa iba'y ang mga kaloob na pagpapagaling, sa iisang Espiritu.
At sa iba'y ang mga paggawa ng mga himala; at sa iba'y hula; at sa iba'y ang pagkilala sa mga espiritu; at sa iba'y ang iba't ibang wika; at sa iba'y ang pagpapaliwanag ng mga wika.
Datapuwa't ang lahat ng ito ay ginagawa ng isa at ng gayon ding Espiritu, na binabahagi sa bawa't isa ayon sa kaniyang ibig.
Sapagka't kung paanong ang katawan ay iisa, at mayroong maraming mga sangkap, at ang lahat ng mga sangkap ng katawan, bagama't marami, ay iisang katawan; gayon din naman si Cristo.
Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.
Sapagka't ang katawan ay hindi iisang sangkap, kundi marami.
Kung sasabihin ng paa, Sapagka't hindi ako kamay, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
At kung sasabihin ng tainga, Sapagka't hindi ako mata, ay hindi ako sa katawan; hindi nga dahil dito'y hindi sa katawan.
Kung ang buong katawan ay pawang mata, saan naroroon ang pakinig? Kung ang lahat ay pawang pakinig, saan naroroon ang pangamoy.
Datapuwa't ngayo'y inilagay ng Dios ang bawa't isa sa mga sangkap ng katawan, ayon sa kaniyang minagaling.
At kung ang lahat nga'y pawang isang sangkap, saan naroroon ang katawan?
Datapuwa't maraming mga sangkap nga, nguni't iisa ang katawan.
At hindi makapagsasabi ang mata sa kamay, Hindi kita kinakailangan: at hindi rin ang ulo sa mga paa, Hindi ko kayo kailangan.
Hindi, kundi lalo pang kailangan yaong mga sangkap ng katawan na wari'y lalong mahihina:
At yaong mga sangkap ng katawan, na inaakala nating kakaunti ang kapurihan, sa mga ito ipinagkakaloob natin ang lalong saganang papuri; at ang mga sangkap nating mga pangit ay siyang may lalong saganang kagandahan;
Yamang ang mga sangkap nating magaganda ay walang kailangan: datapuwa't hinusay ng Dios ang katawan na binigyan ng lalong saganang puri yaong sangkap na may kakulangan;
Upang huwag magkaroon ng pagkakabahabahagi sa katawan; kundi ang mga sangkap ay mangagkaroon ng magkasing-isang pagiingat sa isa't isa.
At kung ang isang sangkap ay nagdaramdam, ang lahat ng mga sangkap ay nangagdaramdam na kasama niya; o kung ang isang sangkap ay nagkakapuri, ang lahat ng mga sangkap ay nangagagalak na kasama niya.
Kayo nga ang katawan ni Cristo, at bawa't isa'y samasamang mga sangkap niya.