ZACARIAS 8
8
Nangako ang Panginoon na Ibabalik ang Jerusalem
1Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi:
2“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ako'y labis na naninibugho sa Zion at ako'y may paninibugho sa kanya na may malaking poot.
3Ganito ang sabi ng Panginoon: Ako'y babalik sa Zion, at maninirahan sa gitna ng Jerusalem; ang Jerusalem ay tatawaging tapat na lunsod, at ang bundok ng Panginoon ng mga hukbo, ang banal na bundok.
4Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Muling titirhan ng matatandang lalaki at matatandang babae ang mga lansangan ng Jerusalem, bawat isa'y may hawak na tungkod sa kanyang kamay dahil sa katandaan.
5Ang mga lansangan ng lunsod ay mapupuno ng mga batang lalaki at babae na naglalaro sa mga lansangan nito.
6Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ito ay kagila-gilalas sa paningin ng mga nalabi sa bayang ito sa mga araw na ito, dapat din ba itong maging kagila-gilalas sa aking paningin? sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
7Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Narito, aking ililigtas ang aking bayan mula sa lupaing silangan at mula sa lupaing kanluran;
8at dadalhin ko sila upang manirahan sa gitna ng Jerusalem; at sila'y magiging aking bayan, at ako'y magiging kanilang Diyos, sa katapatan at katuwiran.”
9Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Palakasin mo ang inyong mga kamay, kayong nakakarinig sa mga araw na ito ng mga salitang ito sa bibig ng mga propeta, mula nang araw na ilagay ang pundasyon sa bahay ng Panginoon ng mga hukbo, upang maitayo ang templo.
10Sapagkat bago dumating ang mga araw na iyon ay walang upa para sa tao, ni anumang upa para sa hayop; at wala ring anumang kapayapaan mula sa kaaway para sa lumalabas o pumapasok, sapagkat aking inilagay ang bawat tao laban sa kanyang kapwa.
11Ngunit ngayo'y hindi ko papakitunguhan ang nalabi sa bayang ito tulad noong mga nakaraang araw,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo.
12Sapagkat magkakaroon ng paghahasik ng kapayapaan; ang puno ng ubas ay magbubunga, at ang lupa'y magbibigay ng pakinabang, at ang langit ay magbibigay ng kanyang hamog; at aking ipaaangkin sa nalabi sa bayang ito ang lahat ng bagay na ito.
13Kung paanong kayo'y naging isang sumpa sa gitna ng mga bansa, O sambahayan ni Juda at Israel, gayon ko kayo ililigtas at kayo'y magiging isang pagpapala. Huwag kayong matatakot kundi palakasin ninyo ang inyong mga kamay.”
14Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: “Kung paanong ipinasiya kong gawan kayo ng masama, nang galitin ako ng inyong mga ninuno, at hindi ako nahabag, sabi ng Panginoon ng mga hukbo,
15ay muli kong ipinapasiya sa mga araw na ito na gawan ng mabuti ang Jerusalem at ang sambahayan ni Juda; huwag kayong matakot.
16Ito#Ef. 4:25 ang mga bagay na inyong gagawin: Magsalita ng katotohanan ang bawat isa sa inyo sa kanyang kapwa; humatol kayo ng katotohanan at kapayapaan sa inyong mga pintuan.
17Huwag kayong magpanukala ng masama sa inyong puso laban sa isa't isa, at huwag ninyong ibigin ang kasinungalingang sumpa, sapagkat ang lahat ng mga ito ay aking kinapopootan, sabi ng Panginoon.”
18Ang salita ng Panginoon ng mga hukbo ay dumating sa akin, na sinasabi,
19“Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Ang mga ayuno sa ikaapat, ikalima, ikapito, at sa ikasampung buwan ay magiging kagalakan, kaligayahan, at masasayang kapistahan sa sambahayan ni Juda; kaya't inyong ibigin ang katotohanan at ang kapayapaan.
20Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Darating pa ang mga bayan, maging ang mga naninirahan sa maraming lunsod;
21ang mga naninirahan sa isang lunsod ay lalapit sa isa, na magsasabi, ‘Pumunta tayo agad upang ating hilingin ang lingap ng Panginoon, at hanapin ang Panginoon ng mga hukbo; ako man ay pupunta.’
22Maraming bayan at malalakas na bansa ang darating upang hanapin ang Panginoon ng mga hukbo sa Jerusalem, at hilingin ang lingap ng Panginoon.
23Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Sa mga araw na iyon, sampung lalaki mula sa mga bansa ng bawat wika ang hahawak sa laylayan ng isang Judio, na nagsasabi, ‘Pasamahin ninyo kami, sapagkat aming narinig na ang Diyos ay kasama ninyo.’”
Kasalukuyang Napili:
ZACARIAS 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001