ZACARIAS 11
11
Ang Pagbagsak ng Malulupit
1Buksan mo ang iyong mga pintuan, O Lebanon,
upang tupukin ng apoy ang iyong mga sedro!
2Tumangis ka, O puno ng sipres, sapagkat ang sedro ay nabuwal,
sapagkat ang maluluwalhating puno ay nawasak!
Tumangis kayo, mga ensina sa Basan,
sapagkat ang makapal na gubat ay nasira!
3May isang ugong ng panaghoy ng mga pastol,
sapagkat ang kanilang kaluwalhatian ay nasira!
May isang ugong ng ungal ng mga batang leon,
sapagkat ang pagmamataas ng Jordan ay nasira!
Ang Dalawang Pastol
4Ganito ang sabi ng Panginoon kong Diyos: “Ikaw ay maging pastol ng kawan na papatayin.
5Pinapatay sila ng mga bumili sa kanila at hindi napaparusahan, at silang nagbibili sa kanila ay nagsasabi, ‘Purihin ang Panginoon, ako'y yumaman;’ at ang kanilang sariling mga pastol ay hindi naaawa sa kanila.
6Sapagkat hindi na ako maaawa sa naninirahan sa lupaing ito, sabi ng Panginoon. Narito, pababagsakin ko ang bawat isa sa kamay ng kanyang kapwa, at bawat isa sa kamay ng kanyang hari; at kanilang dudurugin ang lupain, at wala akong ililigtas mula sa kanilang kamay.”
7At aking pinastol ang kawan na papatayin, pati ang mga kawawa na nasa kawan. Nagdala ako ng dalawang tungkod; ang isa'y tinawag kong Kabutihang Loob, at ang isa'y tinawag kong Pagkakaisa at pinapanginain ko ang kawan.
8Sa loob ng isang buwan ay pinatay ko ang tatlong pastol. Sapagkat ang aking kaluluwa ay nagsawa sa kanila at ang kanilang kaluluwa ay nasuklam din sa akin.
9Kaya't sinabi ko, “Hindi na ako ang magpapanginain sa inyo. Ang mamamatay ay mamatay; ang mahihiwalay ay mahiwalay; at ang mga naiwan ay lamunin ang laman ng isa't isa.”
10Hinawakan ko ang aking tungkod na Kabutihang Loob, at binali ko ito upang sirain ang aking tipan na aking ginawa sa lahat ng mga bayan.
11Kaya't ito ay nawalan ng bisa nang araw na iyon, at ang mga kaawa-awang kawan na nagmamasid sa akin ay nakaalam na iyon ay salita ng Panginoon.
12At#Mt. 27:9, 10 #Mt. 26:15 sinabi ko sa kanila, “Kung inaakala ninyong mabuti, ibigay ninyo sa akin ang aking sahod. Ngunit kung hindi, inyo na iyon.” Sa gayo'y kanilang tinimbang bilang aking sahod ang tatlumpung pirasong pilak.
13Pagkatapos, sinabi ng Panginoon sa akin, “Ihagis mo sa magpapalayok”—ang mainam na halaga na inihalaga ko sa kanila. Kaya't aking kinuha ang tatlumpung pirasong pilak at inihagis ito sa magpapalayok sa bahay ng Panginoon.
14Nang magkagayo'y binali ko ang aking pangalawang tungkod na Pagkakaisa, upang aking sirain ang pagkakapatiran ng Juda at Israel.
15Sinabi sa akin ng Panginoon, “Magdala kang muli ng mga kasangkapan ng isang walang kabuluhang pastol.
16Sapagkat, narito, ako ngayo'y maglalagay ng isang pastol sa lupain na hindi nagmamalasakit sa mga nawawala, ni hahanapin man ang naliligaw, ni pagagalingin ang mga pilay; ni pakakainin ang mga malusog kundi kanyang lalamunin ang laman ng matataba at lulurayin pati ang kanilang mga kuko.
17Kahabag-habag ang walang kabuluhang pastol
na nag-iiwan ng kawan!
Ang tabak ay darating sa kanyang kamay
at sa kanyang kanang mata!
Matutuyo ang kanyang kamay,
at ang kanyang kanang mata ay lubos na magdidilim!”
Kasalukuyang Napili:
ZACARIAS 11: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001