ANG AWIT NG MGA AWIT 6
6
Mga Babae
1Saan pumaroon ang iyong minamahal,
O ikaw na pinakamaganda sa mga babae?
Saan nagtungo ang iyong minamahal,
upang siya'y aming hanapin na kasama mo?
Babae
2Ang sinisinta ko'y bumaba sa kanyang halamanan,
sa mga pitak ng mga pabango,
upang ipastol ang kanyang kawan sa mga halamanan,
at upang mamitas ng mga liryo.
3Ako'y sa aking mahal, at ang mahal ko ay akin;
ipinapastol niya ang kanyang kawan sa gitna ng mga liryo.
Lalaki
4Ikaw ay kasingganda ng Tirza, aking mahal,
kahali-halina na gaya ng Jerusalem,
kakilakilabot na gaya ng hukbo na may mga watawat.
5Alisin mo ang iyong mga mata sa akin,
sapagkat ginugulo ako ng mga ito—
ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
na bumababa sa mga gulod ng Gilead.
6Ang iyong mga ngipin ay gaya ng kawan ng mga babaing tupa,
na nagsiahon mula sa paglilinis,
lahat sila'y may anak na kambal,
isa man sa kanila ay hindi naulila.
7Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada
sa likod ng iyong belo.
8May animnapung reyna, at walumpung asawang-lingkod,
at mga dalaga na di-mabilang.
9Ang aking kalapati, ang aking walang kapintasan ay isa lamang;
ang kinagigiliwan ng kanyang ina;
walang kapintasan sa kanya na nagsilang sa kanya.
Nakita siya ng mga dalaga, at tinawag siyang maligaya;
gayundin ng mga reyna at ng mga asawang-lingkod, at kanilang pinuri siya.
10“Sino itong tumitingin na tulad ng bukang liwayway,
kasingganda ng buwan, kasinliwanag ng araw,
kakilakilabot na parang hukbo na may mga watawat?”
11Ako'y bumaba sa taniman ng mga pili,
upang tingnan ang mga sariwang pananim ng libis,
upang tingnan kung may mga buko na ang puno ng ubas,
at kung ang mga puno ng granada ay namumulaklak.
12Bago ko namalayan, inilagay ako ng aking kaluluwa
sa karwahe sa tabi ng aking prinsipe.
Mga Babae
13Bumalik ka, bumalik ka, O Shulamita.
Bumalik ka, bumalik ka, upang ikaw ay aming pagmasdan.
Babae
Bakit ninyo pagmamasdan ang Shulamita,
na gaya sa sayaw sa harap ng dalawang hukbo?
Kasalukuyang Napili:
ANG AWIT NG MGA AWIT 6: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001