Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

ANG AWIT NG MGA AWIT 4

4
Mangingibig
1O napakaganda mo, mahal ko;
talagang ikaw ay maganda;
Ang iyong mga mata ay mga kalapati
sa likod ng iyong talukbong.
Ang iyong buhok ay gaya ng kawan ng mga kambing,
na bumababa sa gulod ng bundok ng Gilead.
2Ang iyong mga ngipin ay gaya ng mga kawan ng mga batang tupa na bagong gupit,
na nagsiahon mula sa paglilinis,
na bawat isa'y may anak na kambal,
at walang nagluluksa isa man sa kanila.
3Ang iyong mga labi ay gaya ng pising mapula,
at ang iyong bibig ay kahali-halina.
Ang iyong mga pisngi ay gaya ng kalahati ng granada,
sa likod ng iyong talukbong.
4Ang iyong leeg ay gaya ng tore ni David,
na itinayo upang pagtaguan ng mga sandata,
na kinabibitinan ng libong kalasag,
na ang lahat ay mga kalasag ng mga mandirigma.
5Ang iyong dalawang suso ay gaya ng dalawang batang usa
na mga kambal ng isang inahing usa,
na nanginginain sa gitna ng mga liryo.
6Hanggang sa ang araw ay huminga
at ang mga anino ay tumakas,
ako'y paroroon sa bundok ng mira,
at sa burol ng kamanyang.
7Ikaw ay totoong maganda, sinta ko;
walang kapintasan sa iyo.
8Sumama ka sa akin mula sa Lebanon, kasintahan ko.
Sumama ka sa akin mula sa Lebanon.
Tumanaw ka mula sa taluktok ng Amana,
mula sa taluktok ng Senir at ng Hermon,
mula sa mga yungib ng mga leon,
mula sa mga bundok ng mga leopardo.
9Inagaw mo ang aking puso, kapatid ko, kasintahan ko,
inagaw mo ang aking puso ng isang sulyap ng mga mata mo,
ng isang hiyas ng kuwintas mo.
10Napakatamis ng iyong pag-ibig, kapatid ko, kasintahan ko!
Higit na mainam ang iyong pagsinta kaysa alak!
At ang amoy ng iyong mga langis kaysa anumang pabango!
11Ang iyong mga labi, O kasintahan ko, ay nagbibigay ng katas,
pulot at gatas ay nasa ilalim ng iyong dila;
at ang bango ng iyong mga suot ay gaya ng amoy ng Lebanon.
12Halamanang nababakuran ang kapatid ko, ang kasintahan ko;
halamanang nababakuran, isang bukal na natatakpan.
13Ang iyong mga pananim ay halamanan ng mga granada,
na may piling-piling mga bunga;
hena na may nardo,
14may nardo at safro, kalamo at kanela,
sampu ng lahat na puno ng kamanyang;
mira at mga aloe,
sampu ng lahat ng pabangong pinakamainam—
15isang bukal ng mga halamanan, balon ng mga tubig na buháy,
at dumadaloy na batis mula sa Lebanon.
Babae
16Gumising ka, O hanging amihan,
at pumarito ka, O hanging habagat!
Humihip ka sa aking halamanan,
upang ang bango niya'y humalimuyak.
Pumasok ang aking sinta sa halamanan niya,
at kumain siya ng mga piling-piling bunga.

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in