Subalit sinabi ni Naomi sa kanyang dalawang manugang, “Bawat isa sa inyo ay bumalik na sa bahay ng inyu-inyong ina. Gawan nawa kayo ng mabuti ng PANGINOON, na gaya ng inyong ginawa sa mga namatay at sa akin.
Ipagkaloob nawa ng PANGINOON na kayo'y makatagpo ng kapahingahan, bawat isa sa inyo sa bahay ng kanyang asawa.” Pagkatapos ay kanyang hinagkan sila, at inilakas nila ang kanilang tinig at sila'y nag-iyakan.
Sinabi nila sa kanya, “Hindi, kami ay babalik na kasama mo sa iyong bayan.”
Ngunit sinabi ni Naomi, “Kayo'y bumalik na, mga anak ko. Bakit kayo sasama sa akin? May mga anak pa ba ako sa aking sinapupunan na magiging inyong mga asawa?
Kayo'y bumalik na, mga anak ko, magpatuloy kayo sa inyong lakad sapagkat ako'y napakatanda na upang magkaroon pa ng asawa. Kung aking sabihin, ako'y may pag-asa, kahit pa ako'y magkaasawa man ngayong gabi, at ako'y magkaanak man,
maghihintay kaya kayo hanggang sa sila'y lumaki? Nangangahulugan ba na hindi na muna kayo mag-aasawa? Huwag, mga anak ko! Magdaramdam akong mabuti dahil sa inyo, sapagkat ang kamay ng PANGINOON ay naging laban sa akin.”
Kaya't inilakas nila ang kanilang tinig at muling nag-iyakan. Hinagkan ni Orfa ang kanyang biyenan; ngunit si Ruth ay yumakap sa kanya.
Sinabi niya, “Tingnan mo, ang iyong bilas ay bumalik na sa kanyang mga kababayan, at sa kanyang mga diyos; sumunod ka na sa iyong bilas.”
Ngunit sinabi ni Ruth, “Huwag mo akong pakiusapan na kita'y iwan, o talikuran ko na ang pagsunod sa iyo! Kung saan ka pupunta ay doon ako pupunta; kung saan ka nakatira ay doon ako maninirahan; ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos.
Kung saan ka mamatay ay doon ako mamamatay, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin ng PANGINOON sa akin at higit pa, kahit na ihiwalay ako ng kamatayan sa iyo.”
Nang makita ni Naomi na nakapagpasiya na siyang sumama sa kanya, wala na siyang sinabi.
Sa gayo'y nagpatuloy silang dalawa hanggang sa sila'y makarating sa Bethlehem. Nang sila'y makarating sa Bethlehem, ang buong bayan ay nagkagulo dahil sa kanila; at sinabi ng mga babae, “Ito ba si Naomi?”
Sinabi niya sa kanila, “Huwag na ninyo akong tawaging Naomi. Tawagin ninyo akong Mara, sapagkat pinakitunguhan ako nang may kapaitan ng Makapangyarihan sa lahat.
Ako'y umalis na punó, ngunit ako'y pinauwi ng PANGINOON na walang dala. Bakit ninyo ako tinatawag na Naomi, gayong ang PANGINOON ay nakitungo ng marahas sa akin, at pinagdalamhati ako ng Makapangyarihan sa lahat?”
Sa gayo'y nagbalik si Naomi at Ruth na Moabita, na kanyang manugang na kasama niya, mula sa lupain ng Moab. Sila'y dumating sa Bethlehem sa pasimula ng pag-aani ng sebada.