Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA TAGA ROMA 9:15-33

MGA TAGA ROMA 9:15-33 ABTAG01

Sapagkat sinasabi niya kay Moises, “Ako'y maaawa sa aking kinaaawaan, at ako'y mahahabag sa aking kinahahabagan.” Kaya ito ay hindi ayon sa kalooban o pagsisikap ng tao, kundi ayon sa habag ng Diyos. Sapagkat sinasabi ng kasulatan kay Faraon, “Dahil sa layuning ito, ay itinaas kita, upang aking maipakita sa pamamagitan mo ang aking kapangyarihan, at upang ang aking pangalan ay maipahayag sa buong lupa.” Kaya nga siya'y may awa sa kanyang maibigan, at kanyang pinagmamatigas ang puso ng sinumang kanyang maibigan. Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?” Ngunit, sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?” O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit? Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya na inihanda para sa pagkawasak; upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan, na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian, maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil? Gaya naman ng sinasabi niya sa Hoseas, “Tatawagin kong ‘aking bayan’ ang hindi ko dating bayan; at ‘minamahal’ ang hindi dating minamahal.” “At mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’ doon sila tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’” At si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, “Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas: sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa.” At gaya ng sinabi nang una ni Isaias, “Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo, tayo'y naging katulad sana ng Sodoma, at naging gaya ng Gomorra.” Ano nga ang ating sasabihin? Ang mga Hentil na hindi nagsumikap sa katuwiran ay nagkamit ng katuwiran, samakatuwid ay katuwiran sa pamamagitan ng pananampalataya; ngunit ang Israel na nagsusumikap sa katuwiran sa pamamagitan ng kautusan, ay hindi nakaabot sa pagsunod sa kautusang iyon. Bakit? Sapagkat hindi nila pinagsikapan iyon batay sa pananampalataya, kundi batay sa mga gawa. Sila'y natisod sa batong katitisuran, gaya ng nasusulat, “Tingnan ninyo, inilalagay ko sa Zion ang isang batong ikabubuwal at batong katitisuran, at ang sumasampalataya sa kanya'y hindi malalagay sa kahihiyan.”