Itinuturing ko na ang pagtitiis sa panahong kasalukuyan ay hindi karapat-dapat maihambing sa kaluwalhatiang mahahayag sa atin. Sapagkat ang masidhing inaasam ng sangnilikha ay ang inaasahang paghahayag ng mga anak ng Diyos. Sapagkat ang sangnilikha ay nasakop ng kawalang kabuluhan, hindi sa kanyang kalooban, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa na ang sangnilikha naman ay mapapalaya mula sa pagkaalipin sa kabulukan tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. Sapagkat nalalaman natin na ang buong sangnilikha ay sama-samang dumaraing at naghihirap sa pagdaramdam hanggang ngayon. At hindi lamang sangnilikha, kundi pati naman tayo na mayroong mga unang bunga ng Espiritu, na tayo nama'y dumaraing din sa ating mga sarili, sa masidhing paghihintay ng pagkukupkop, ang pagtubos sa ating katawan. Sapagkat tayo'y iniligtas sa pamamagitan ng pag-asang ito, ngunit ang pag-asang nakikita ay hindi pag-asa, sapagkat sino nga ang umaasa sa nakikita? Subalit kung umaasa tayo sa hindi natin nakikita, hinihintay natin itong may pagtitiis. At gayundin naman, ang Espiritu ay tumutulong sa ating kahinaan; sapagkat hindi tayo marunong manalangin nang nararapat; ngunit ang Espiritu mismo ang namamagitan na may mga daing na hindi maipahayag; ngunit ang Diyos na sumisiyasat ng mga puso ay nakakaalam kung ano ang kaisipan ng Espiritu, sapagkat siya ang namamagitan dahil sa mga banal ayon sa kalooban ng Diyos. At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya, sa kanila na mga tinawag alinsunod sa kanyang layunin.
Basahin MGA TAGA ROMA 8
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MGA TAGA ROMA 8:18-28
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas