Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA TAGA ROMA 2:17-29

MGA TAGA ROMA 2:17-29 ABTAG01

Ngunit kung ikaw na tinatawag na Judio ay umaasa sa kautusan, at nagmamalaki sa Diyos, at nakakaalam ng kanyang kalooban, at sumasang-ayon sa mga bagay na magagaling, palibhasa'y naturuan ka ng kautusan, at nagtitiwala ka sa sarili na ikaw ay taga-akay ng mga bulag, isang ilaw ng mga nasa kadiliman, tagasaway sa mga hangal, guro ng mga bata, na taglay sa kautusan ang pinakadiwa ng kaalaman at katotohanan; ikaw nga na nagtuturo sa iba, hindi mo ba tuturuan ang iyong sarili? Ikaw na nangangaral sa tao na huwag magnakaw, nagnanakaw ka ba? Ikaw na nagsasabing huwag mangalunya, nangangalunya ka ba? Ikaw na nasusuklam sa mga diyus-diyosan, ninanakawan mo ba ang mga templo? Ikaw na nagmamalaki dahil sa kautusan, nilalapastangan mo ba ang Diyos sa pamamagitan ng paglabag sa kautusan? “Sapagkat ang pangalan ng Diyos ay nalalait sa mga Hentil dahil sa inyo,” gaya ng nasusulat. Sapagkat tunay na may kabuluhan ang pagtutuli kung tinutupad mo ang kautusan; ngunit kung ikaw ay sumusuway sa kautusan, ang iyong pagtutuli ay nagiging di-pagtutuli. Kaya't kung ang di-pagtutuli ay tumutupad sa mga itinatakda ng kautusan, hindi ba ibibilang na pagtutuli ang kanilang di pagtutuli? Kaya't ang mga di-tuli sa laman, subalit tumutupad ng kautusan, ay hahatol sa iyo na may kautusang nakasulat at may pagtutuli ngunit sumusuway sa kautusan. Sapagkat ang isang tao'y hindi Judio sa panlabas lamang; ni ang pagtutuli ay hindi panlabas o sa laman. Kundi ang isang tao'y Judio sa kalooban; at ang pagtutuli yaong sa puso, sa espiritu at hindi sa titik; ang kanyang pagpupuri ay hindi mula sa mga tao, kundi mula sa Diyos.