Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA TAGA ROMA 12:9-18

MGA TAGA ROMA 12:9-18 ABTAG01

Ang pag-ibig ay maging walang pagkukunwari. Kapootan ninyo ang masama; panghawakan ang mabuti. Magmahalan kayo na may pag-ibig bilang magkakapatid; sa pagpaparangal sa iba ay mag-unahan kayo, huwag maging tamad sa pagsisikap, maging maalab sa espiritu, na naglilingkod sa Panginoon. Magalak kayo sa pag-asa, maging matiisin sa kapighatian, matiyaga sa pananalangin. Magbigay sa mga pangangailangan ng mga banal at magmagandang-loob sa mga dayuhan. Pagpalain ninyo ang mga umuusig sa inyo; pagpalain ninyo, at huwag ninyong sumpain. Makigalak kayo sa mga nagagalak; makiiyak kayo sa mga umiiyak. Magkaisa kayo ng pag-iisip. Huwag ninyong ituon ang inyong pag-iisip sa mga palalong bagay, kundi makiayon kayo sa mga bagay na may kapakumbabaan. Huwag kayong magmagaling sa inyong mga sarili. Huwag ninyong gantihan ang sinuman ng masama sa masama. Isipin ninyo ang mga bagay na kapuri-puri sa harapan ng lahat ng mga tao. Kung maaari, hanggang sa inyong makakaya, ay makipamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng mga tao.