Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA TAGA ROMA 1:16-25

MGA TAGA ROMA 1:16-25 ABTAG01

Sapagkat hindi ko ikinahihiya ang ebanghelyo; sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa Judio at gayundin sa Griyego. Sapagkat dito ang katuwiran ng Diyos ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya; gaya ng nasusulat, “Ngunit ang taong matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” Sapagkat ang poot ng Diyos ay nahahayag mula sa langit laban sa lahat ng kalikuan at kasamaan ng mga tao, na sa pamamagitan ng kanilang kasamaan ay pinipigil ang katotohanan. Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay hayag sa kanila, yamang ito'y ipinahayag ng Diyos sa kanila. Mula pa nang likhain ang sanlibutan, ang kanyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, bagaman hindi nakikita, ay naunawaan at nakita sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang ginawa, upang wala silang maidadahilan; sapagkat kahit kilala nila ang Diyos, siya ay hindi nila niluwalhati bilang Diyos, ni pinasalamatan man, kundi naging walang kabuluhan sa kanilang mga pangangatuwiran at ang mga puso nilang walang katuturan ay nagdilim. Sa pag-aangking marurunong, sila'y naging mga hangal, at ipinagpalit nila ang kaluwalhatian ng Diyos na hindi nasisira sa mga imaheng kahawig ng tao na nasisira, at ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa at ng mga gumagapang. Kaya't dahil sa mga pagnanasa ng kanilang mga puso ay hinayaan sila ng Diyos sa karumihan, upang lapastanganin ang kanilang mga katawan sa kani-kanilang sarili; sapagkat pinalitan nila ng kasinungalingan ang katotohanan ng Diyos at sila'y sumamba at naglingkod sa nilalang sa halip na sa Lumalang, na siyang pinupuri magpakailanman! Amen.