Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

APOCALIPSIS 2:12-29

APOCALIPSIS 2:12-29 ABTAG01

“At sa anghel ng iglesya sa Pergamo ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng may matalas na tabak na may dalawang talim. “Alam ko kung saan ka naninirahan, sa kinaroroonan ng trono ni Satanas. Ngunit iniingatan mong mabuti ang aking pangalan, at hindi mo ipinagkaila ang pananampalataya mo sa akin, kahit nang mga araw ni Antipas na aking tapat na saksi, na pinatay sa gitna ninyo, kung saan nakatira si Satanas. Subalit mayroon akong ilang bagay na laban sa iyo: sapagkat mayroon ka diyang ilan na sumusunod sa aral ni Balaam, na siyang nagturo kay Balak na maglagay ng katitisuran sa harapan ng mga anak ni Israel, upang kumain sila ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan at upang makiapid. Gayundin naman, mayroon kang ilan na sumusunod sa aral ng mga Nicolaita. Kaya't magsisi ka. Kung hindi, madali akong darating sa iyo, at didigmain ko sila ng tabak ng aking bibig. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya. Ang magtagumpay ay bibigyan ko ng nakatagong mana, at siya'y bibigyan ko ng isang batong puti, at sa ibabaw ng bato ay may nakasulat na isang bagong pangalan, na walang nakakaalam kundi ang tumatanggap. “At sa anghel ng iglesya sa Tiatira ay isulat mo: Ang mga bagay na ito ay sinasabi ng Anak ng Diyos, na may mga matang gaya ng ningas ng apoy, at ang kanyang mga paa ay gaya ng tansong pinakintab. “Alam ko ang iyong mga gawa, ang iyong pag-ibig, pananampalataya, paglilingkod at pagtitiis, at ang iyong mga huling gawa ay higit kaysa mga una. Ngunit ito ang hindi ko gusto laban sa iyo: pinahintulutan mo ang babaing si Jezebel, na tinatawag ang kanyang sarili na propeta at kanyang tinuturuan at nililinlang ang aking mga lingkod upang makiapid at kumain ng mga bagay na inihandog sa mga diyus-diyosan. Binigyan ko siya ng panahon upang makapagsisi; ngunit ayaw niyang magsisi sa kanyang pakikiapid. Akin siyang iniraratay sa higaan at ang mga nakikiapid sa kanya ay ihahagis ko sa malaking kapighatian, maliban na kung sila'y magsisi sa kanyang mga gawa. Papatayin ko ng salot ang kanyang mga anak. At malalaman ng lahat ng mga iglesya na ako ang sumisiyasat ng mga pag-iisip at ng mga puso, at bibigyan ko ang bawat isa sa inyo ng ayon sa inyong mga gawa. Subalit sinasabi ko sa inyo, sa mga iba na nasa Tiatira, sa mga hindi nagtataglay ng aral na ito, sa mga hindi natuto ng gaya ng sinasabi ng iba ‘na mga malalalim na bagay ni Satanas,’ hindi ako naglalagay sa inyo ng ibang pabigat. Gayunma'y ang nasa inyo'y panghawakan ninyong matibay hanggang sa ako'y dumating. Sa bawat nagtatagumpay at tumutupad ng aking mga gawa hanggang sa wakas, ay bibigyan ko ng pamamahala sa mga bansa; at sila'y pangungunahan niya sa pamamagitan ng isang pamalong bakal, gaya ng pagkadurog ng mga palayok, kung paanong tumanggap din ako ng kapangyarihan mula sa aking Ama; ay ibibigay ko sa kanya ang tala sa umaga. Ang may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya.