APOCALIPSIS 14
14
Ang Kordero at ang 144,000
1Pagkatapos#Ez. 9:4; Apoc. 7:3 ay tumingin ako, at naroon ang Kordero na nakatayo sa bundok ng Zion! Kasama niya ang isandaan at apatnapu't apat na libong may pangalan niya, at pangalan ng kanyang Ama, na nakasulat sa kanilang mga noo.
2At narinig ko ang isang tinig mula sa langit, na gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at gaya ng ugong ng malakas na kulog; ang tinig na aking narinig ay gaya ng sa mga manunugtog na tumutugtog ng kanilang mga alpa.
3At sila'y nag-aawitan ng isang bagong awit sa harapan ng trono, at sa harapan ng apat na nilalang na buháy at ng matatanda. Walang sinumang natuto ng awit na iyon kundi ang isandaan at apatnapu't apat na libo lamang, na tinubos mula sa lupa.
4Hindi dinungisan ng mga ito ang kanilang sarili sa mga babae; sapagkat sila'y malilinis.#14:4 Sa Griyego ay mga birhen. Ang mga ito'y ang mga sumusunod sa Kordero saan man siya magtungo. Ang mga ito'y ang tinubos mula sa mga tao, bilang mga pangunahing bunga sa Diyos at sa Kordero.
5At#Sef. 3:13 sa kanilang bibig ay walang natagpuang kasinungalingan; sila'y mga walang dungis.
Ang Tatlong Anghel
6At nakita ko ang isa pang anghel na lumilipad sa gitna ng himpapawid, na may walang hanggang ebanghelyo na ipahahayag sa mga naninirahan sa lupa, sa bawat bansa, lipi, wika at bayan.
7Sinabi niya sa malakas na tinig, “Matakot kayo sa Diyos at magbigay-luwalhati sa kanya, sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghuhukom, at sambahin ninyo ang gumawa ng langit, ng lupa, ng dagat at ng mga bukal ng tubig.”
8At#Isa. 21:9; Jer. 51:8; Apoc. 18:2 isa pang anghel, ang pangalawa, ay sumunod na nagsasabi, “Bumagsak, bumagsak ang dakilang Babilonia, na siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng poot ng kanyang pakikiapid.”
9At isa pang anghel, ang pangatlo, ay sumunod sa kanila, na sinasabi sa malakas na tinig, “Kung ang sinuman ay sumasamba sa halimaw at sa kanyang larawan, at tumatanggap ng tanda sa kanyang noo, o sa kanyang kamay,
10ay#Isa. 51:17; Gen. 19:24; Ez. 38:22 iinom din naman ng alak ng poot ng Diyos, na inihahandang walang halo sa kopa ng kanyang poot at pahihirapan sa apoy at asupre sa harapan ng mga banal na anghel at sa harapan ng Kordero.
11At#Isa. 34:10 ang usok ng hirap nila ay papailanglang magpakailanpaman; at sila'y walang kapahingahan araw at gabi, silang mga sumasamba sa halimaw at sa larawan nito, at sinumang tumatanggap ng tanda ng kanyang pangalan.
12Narito ang panawagan para sa pagtitiis ng mga banal, sa mga tumutupad sa mga utos ng Diyos, at humahawak ng matatag sa pananampalataya ni Jesus.#14:12 o pananampalataya kay Jesus.
13At narinig ko ang isang tinig mula sa langit na nagsasabi, “Isulat mo ito: Mapapalad ang mga patay na namamatay sa Panginoon mula ngayon.” “Oo,” sinasabi ng Espiritu, “sila'y magpapahinga sa kanilang mga gawa, sapagkat ang kanilang mga gawa ay sumusunod sa kanila.”
Ang Paggapas sa Lupa
14Pagkatapos#Dan. 7:13 ay nakita ko roon ang isang puting ulap, at nakaupo sa ulap ang isang katulad ng isang Anak ng Tao na sa kanyang ulo'y may isang gintong korona, at sa kanyang kamay ay may isang matalas na karit.
15Lumabas#Joel 3:13 ang isa pang anghel mula sa templo, na sumisigaw nang may malakas na tinig doon sa nakaupo sa ulap, “Ihulog mo ang iyong karit at gumapas ka, sapagkat dumating na ang oras ng paggapas, at hinog na ang aanihin sa lupa.”
16Kaya't inihagis ng nakaupo sa alapaap ang kanyang karit sa lupa at ang lupa ay nagapasan.
17At lumabas ang isa pang anghel mula sa templo sa langit na siya rin ay may matalas na karit.
18Ang isa pang anghel ay lumabas mula sa dambana, na siyang may kapangyarihan sa apoy, at tumawag siya nang may malakas na tinig doon sa may matalas na karit, “Ihulog mo ang iyong matalas na karit at tipunin mo ang mga buwig sa ubasan sa lupa, sapagkat ang mga ubas nito ay hinog na.”
19Kaya't inihagis ng anghel ang kanyang karit sa lupa, at tinipon ang mga ubas sa lupa, at inihagis sa malaking pisaan ng ubas ng poot ng Diyos.
20At#Isa. 63:3; Panag. 1:15; Apoc. 19:15 pinisa ang ubas sa pisaan sa labas ng lunsod, at lumabas sa pisaan ng ubas ang dugo, na umabot hanggang sa mga renda ng mga kabayo, sa layong halos dalawandaang milya.#14:20 Sa Griyego ay isang libo at animnaraang estadia.
Kasalukuyang Napili:
APOCALIPSIS 14: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001