Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

APOCALIPSIS 1:1-20

APOCALIPSIS 1:1-20 ABTAG01

Ang apocalipsis ni Jesu-Cristo, na ibinigay ng Diyos sa kanya upang ipahayag sa kanyang mga alipin ang mga bagay na kinakailangang mangyari sa madaling panahon, at kanyang ipinaalam ito sa pamamagitan ng mga sagisag at pagsusugo ng kanyang anghel sa kanyang aliping si Juan, na siyang sumaksi sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesu-Cristo, sa lahat ng bagay na nakita niya. Mapalad ang bumabasa at ang nakikinig ng mga salita ng propesiya at tumutupad ng mga bagay na nasusulat dito, sapagkat ang panahon ay malapit na. Si Juan sa pitong iglesya na nasa Asia: Biyaya ang sumainyo at kapayapaang mula sa kanya na siyang ngayon, ang nakaraan at ang darating; at mula sa pitong espiritu na nasa harapan ng kanyang trono; at mula kay Jesu-Cristo na siyang saksing tapat, ang panganay mula sa mga patay, at ang pinuno ng mga hari sa lupa. Doon sa umiibig sa atin, at sa nagpalaya sa atin mula sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kanyang dugo; at ginawa tayong kaharian, mga pari sa kanyang Diyos at Ama; sumakanya ang kaluwalhatian at ang paghahari magpakailanpaman. Amen. Tingnan ninyo, siya'y dumarating na nasa mga ulap; at makikita siya ng bawat mata, at ng mga umulos sa kanya; at ang lahat ng mga lipi sa lupa ay tatangis dahil sa kanya. Gayon nga. Amen. “Ako ang Alpha at ang Omega,” sabi ng Panginoong Diyos, na siyang ngayon at ang nakaraan at ang darating, ang Makapangyarihan sa lahat. Akong si Juan, na inyong kapatid at inyong karamay sa kapighatian at sa kaharian at sa pagtitiis alang-alang kay Jesus ay nasa pulo na tinatawag na Patmos, dahil sa salita ng Diyos at sa patotoo ni Jesus. Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang malakas na tinig na tulad sa isang trumpeta, na nagsasabi, “Ang iyong nakikita ay isulat mo sa isang aklat at iyong ipadala sa pitong iglesya, sa Efeso, sa Smirna, sa Pergamo, sa Tiatira, sa Sardis, sa Filadelfia, at sa Laodicea.” Ako'y lumingon upang makita kung kanino ang tinig na nagsasalita sa akin. At sa aking paglingon, nakita ko ang pitong gintong ilawan, at sa gitna ng mga ilawan ay may isang katulad ng isang Anak ng Tao, na may suot na damit na hanggang sa paa, at may gintong bigkis sa kanyang dibdib. At ang kanyang ulo at ang kanyang buhok ay mapuputing gaya ng balahibo ng tupa, gaya ng niebe; at ang kanyang mga mata ay gaya ng ningas ng apoy; at ang kanyang mga paa ay katulad ng tansong pinakintab, na parang dinalisay sa isang pugon; at ang kanyang tinig ay gaya ng ingay ng maraming tubig. Sa kanyang kanang kamay ay may pitong bituin at mula sa kanyang bibig ay lumabas ang isang matalas na tabak na may dalawang talim, at ang kanyang mukha ay gaya ng araw na matinding sumisikat. Nang siya'y aking makita, ako'y parang patay na bumagsak sa kanyang paanan. Ngunit ipinatong niya sa akin ang kanyang kanang kamay, na sinasabi, “Huwag kang matakot; ako ang una at ang huli, at ang nabubuhay. Ako'y namatay, at tingnan mo, ako'y nabubuhay magpakailanpaman, at nasa akin ang mga susi ng kamatayan at ng Hades. Kaya't isulat mo ang mga bagay na nakita mo, at ang mga bagay ngayon, at ang mga bagay na mangyayari pagkatapos ng mga bagay na ito. Ang hiwaga ng pitong bituin na iyong nakita sa aking kanang kamay, at ang pitong gintong ilawan; ang pitong bituin ay ang mga anghel ng pitong iglesya; at ang pitong ilawan ay ang pitong iglesya.