Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 73:1-28

MGA AWIT 73:1-28 ABTAG01

Tunay na ang Diyos ay mabuti sa Israel, sa mga taong ang puso'y malilinis. Ngunit tungkol sa akin, ang mga paa ko'y halos natisod, ang mga hakbang ko'y muntik nang nadulas. Sapagkat ako'y nainggit sa palalo; aking nakita ang kaginhawahan ng masama. Sapagkat walang mga hapdi ang kanilang kamatayan, at ang kanilang katawan ay matataba. Sila'y wala sa kaguluhan na gaya ng ibang mga tao; hindi sila nagdurusa na gaya ng ibang mga tao. Kaya't ang kanilang kuwintas ay kapalaluan, ang karahasan ay tumatakip sa kanila bilang bihisan. Ang kanilang mga mata ay lumuluwa sa katabaan, ang kanilang mga puso ay umaapaw sa kahangalan. Sila'y nanlilibak at nagsasalita na may kasamaan, sila'y nagsasalita mula sa kaitaasan. Kanilang inilagay ang kanilang mga bibig sa mga langit, at ang kanilang dila ay nagpapagala-gala sa ibabaw ng lupa. Kaya't bumabalik dito ang kanyang bayan, at tubig ng kasaganaan ay iniinom nila. At kanilang sinasabi, “Paanong nalalaman ng Diyos? May kaalaman ba sa Kataas-taasan?” Narito, ang mga ito ang masasama; laging tiwasay, sa kayamanan ay sumasagana. Sa walang kabuluhan ay pinanatili kong malinis ang aking puso, at ang aking mga kamay sa kawalang-sala ay hinuhugasan ko. Sapagkat buong araw ako ay pinahihirapan, at tuwing umaga ay napaparusahan. Kung aking sinabi, “Ako'y magsasalita ng ganito;” ako'y hindi magiging tapat sa salinlahi ng mga anak mo. Ngunit nang aking isipin kung paano ito uunawain, sa akin ay parang napakahirap na gawain, hanggang sa ako'y pumasok sa santuwaryo ng Diyos, saka ko naunawaan ang kanilang katapusan. Tunay na sa madudulas na dako sila'y iyong inilalagay, iyong ibinabagsak sila sa kapahamakan. Gaya na lamang ang pagkawasak nila sa isang iglap, tinatangay na lubusan ng mga sindak! Sila'y gaya ng panaginip kapag nagigising ang isang tao, sa pagkagising ang kanilang larawan ay hinahamak mo. Nang ang aking kaluluwa ay nagdamdam, nang ang kalooban ko'y nasaktan, ako'y naging hangal at mangmang; ako'y naging gaya ng hayop sa harapan mo. Gayunman ako'y kasama mong palagian, inaalalayan mo ang aking kanang kamay. Sa iyong payo ako'y iyong pinapatnubayan, at pagkatapos ay tatanggapin mo ako sa kaluwalhatian. Anong mayroon ako sa langit kundi ikaw? at liban sa iyo'y wala akong anumang ninanasa sa lupa. Ang aking laman at ang aking puso ay maaaring manghina, ngunit ang Diyos ang lakas ng aking puso at bahagi ko magpakailanman. Sapagkat narito, malilipol silang malayo sa iyo; ang lahat na hindi tapat sa iyo ay winakasan mo. Ngunit para sa akin, ang pagiging malapit ng Diyos ay aking kabutihan; ginawa kong aking kanlungan ang Panginoong DIYOS, upang aking maisaysay ang lahat ng iyong mga gawa.