MGA AWIT 69
69
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Awit ni David.
1O Diyos! Ako'y iyong sagipin!
Sapagkat ang tubig hanggang sa aking kaluluwa ay nakarating.
2Ako'y lumulubog sa malalim na putikan,
ang mga paa ay walang tuntungan;
ako'y dumating sa tubig na malalim,
at ang baha ay tumatangay sa akin.
3Ako'y pagod na sa pagdaing ko;
ang lalamunan ko ay nanuyo.
Ang mga mata ko'y lumalabo
sa kahihintay sa aking Diyos.
4Higit#Awit 35:19; Jn. 15:25 kaysa mga buhok ng aking ulo ang bilang
ng mga namumuhi sa akin ng walang kadahilanan;
ang mga nais pumuksa sa akin ay makapangyarihan na mga kaaway kong may kamalian.
Anumang hindi ko naman ninakaw ay dapat kong isauli.
5O Diyos, nalalaman mo ang kahangalan ko;
ang mga pagkakamaling nagawa ko'y hindi lingid sa iyo.
6Huwag nawang mapahiya dahil sa akin ang mga umaasa sa iyo,
O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
huwag nawang malagay sa kasiraang-puri dahil sa akin ang mga nagsisihanap sa iyo,
O Diyos ng Israel.
7Sapagkat alang-alang sa iyo ay nagbata ako ng kasiraan,
at tumakip sa aking mukha ang kahihiyan.
8Sa aking mga kapatid ako'y naging isang dayuhan,
sa mga anak ng aking ina ay isang taga-ibang bayan.
9Sapagkat#Jn. 2:17; Ro. 15:3 ang pagmamalasakit sa iyong bahay ang sa aki'y umubos,
at ang mga paghamak ng mga sa iyo'y humahamak sa akin ay nahulog.
10Nang umiyak ako sa aking kaluluwa na may pag-aayuno,
iyon ay naging kahihiyan ko.
11Nang magsuot ako ng damit-sako,
naging bukambibig nila ako.
12Ang mga umuupo sa pintuang-bayan, ang pinag-uusapan ay ako,
at ako ang awit ng mga lasenggo.
13Ngunit para sa akin, ang dalangin ko'y sa iyo, O Panginoon,
sa isang kaaya-ayang panahon, O Diyos,
sa kasaganaan ng iyong tapat na pag-ibig, sagutin mo ako.
Sa pamamagitan ng iyong tapat na tulong,
14sagipin mo ako sa paglubog sa putikan,
at huwag mo akong hayaang lumubog;
iligtas mo ako sa aking mga kaaway
mula sa tubig na may kalaliman.
15Ang baha nawa'y huwag akong tangayin,
ni ng kalaliman ako man ay lamunin,
ni isara ng Hukay ang kanyang bunganga sa akin.
16O Panginoon, ako'y iyong sagutin, sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay mabuti;
ayon sa iyong masaganang awa, bumalik ka sa akin.
17Huwag mong ikubli ang iyong mukha sa iyong lingkod;
sapagkat ako'y nasa kahirapan, magmadali kang sa aki'y sumagot.
18O lumapit ka sa aking kaluluwa, at ako'y iyong tubusin,
dahil sa aking mga kaaway ako'y iyong palayain!
19Nalalaman mo ang aking kasiraan,
ang aking kahihiyan at aking kakutyaan;
lahat ng aking mga kaaway ay nasa harapan mo.
20Ang mga paghamak sa aking puso ay sumira;
kaya't ako'y may sakit.
Ako'y naghanap ng habag, ngunit wala naman;
at ng mga mang-aaliw, ngunit wala akong natagpuan.
21Binigyan#Mt. 27:48; Mc. 15:36; Lu. 23:26; Jn. 19:28, 29 nila ako ng lason bilang pagkain,
at sa aking uhaw ay binigyan nila ako ng sukang iinumin.
22Ang#Ro. 11:9, 10 kanila nawang sariling hapag na nasa harapan nila ay maging isang bitag;
kung sila'y nasa kapayapaan, ito nawa'y maging isang patibong.
23Lumabo nawa ang kanilang mga mata, upang sila'y huwag makakita;
at papanginigin mo ang kanilang mga balakang sa tuwina.
24Ibuhos mo sa kanila ang iyong poot,
at ang iyong nag-aalab na galit sa kanila nawa'y umabot.
25Ang#Gw. 1:20 kanilang kampo nawa'y maging mapanglaw;
sa kanilang mga tolda wala sanang tumahan.
26Sapagkat kanilang inuusig siya na iyong hinataw,
at isinaysay nila ang sakit nila na iyong sinugatan.
27Dagdagan mo ng kasamaan ang kanilang kasamaan;
at huwag nawa silang dumating sa iyong katuwiran.
28Mapawi#Exo. 32:32; Apoc. 3:5; 13:8; 17:8 nawa sila sa aklat ng mga nabubuhay,
huwag nawa silang makasama ng matuwid sa talaan.
29Ngunit ako'y nagdadalamhati at nasasaktan,
ang iyo nawang pagliligtas, O Diyos, ang magtaas sa akin!
30Sa pamamagitan ng awit ang pangalan ng Diyos ay aking pupurihin,
at sa pasasalamat siya'y aking dadakilain.
31Ito'y makakalugod sa Panginoon ng higit kaysa baka,
o sa toro na may mga sungay at mga paa.
32Nakita ito ng mapagkumbaba at sila'y natuwa,
ikaw na naghahanap sa Diyos, ang puso mo'y muling mabuhay nawa.
33Sapagkat dinirinig ng Panginoon ang kinakapos,
at hindi hinahamak ang sariling kanya na nakagapos.
34Purihin nawa siya ng langit at ng lupa,
ng mga dagat, at ng lahat ng gumagalaw roon.
35Sapagkat ililigtas ng Diyos ang Zion,
at muling itatayo ang mga lunsod ng Juda;
at ang mga lingkod niya ay maninirahan doon, at aangkinin iyon;
36ang mga anak ng kanyang mga lingkod ang magmamana niyon,
at silang umiibig sa kanyang pangalan ay maninirahan doon.
Kasalukuyang Napili:
MGA AWIT 69: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001