Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA AWIT 139:13-24

MGA AWIT 139:13-24 ABTAG01

Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi, at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi. Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha. Ang iyong mga gawa ay kahangahanga; at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa. Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo, nang ako'y lihim na ginagawa, mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa. Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap; at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat, ang mga araw na sa akin ay itinakda, nang wala pang anuman sa kanila. Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos! Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon! Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin. Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin. Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama, kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo. Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan, at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan. Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O PANGINOON? At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon? Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot; itinuturing ko sila na aking mga kaaway. Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso; subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko! At tingnan mo kung may anumang lakad ng kasamaan sa akin, at patnubayan mo ako sa daang walang hanggan.