MGA KAWIKAAN 28
28
1Ang masama ay tumatakas gayong wala namang humahabol;
ngunit ang mga matuwid ay matatapang na parang leon.
2Kapag ang lupain ay naghihimagsik,
marami ang kanyang mga pinuno;
ngunit kapag ang pinuno ay may unawa at kaalaman,
magpapatuloy ang katatagan nito.
3Ang dukha na umaapi sa dukha,
ay bugso ng ulan na walang pagkaing iniiwan.
4Silang nagpapabaya sa kautusan ay nagpupuri sa masama;
ngunit ang nag-iingat ng kautusan ay nakipaglaban sa kanila.
5Ang masasamang tao ay hindi nakakaunawa ng katarungan,
ngunit silang nagsisihanap sa Panginoon ay nakakaunawa nito nang lubusan.
6Mas mabuti ang dukha na lumalakad sa kanyang katapatan,
kaysa taong mayaman na liko sa kanyang mga daan.
7Matalinong anak ang tumutupad sa kautusan,
ngunit ang kasama ng matatakaw, sa kanyang ama ay kahihiyan.
8Ang nagpapalago ng kanyang yaman sa pamamagitan ng labis na patubo,
ay nagtitipon para sa iba na mabait sa dukha.
9Ang naglalayo ng kanyang pandinig sa pakikinig ng kautusan,
maging ang kanyang panalangin ay karumaldumal.
10Sinumang nagliligaw sa matuwid tungo sa masamang daan,
ay siya ring mahuhulog sa kanyang sariling hukay;
ngunit ang sakdal ay magmamana ng kabutihan.
11Ang mayamang tao ay marunong sa ganang kanyang sarili,
ngunit ang dukha na may unawa ay nagsusuri.
12Kapag ang matuwid ay nagtatagumpay, may dakilang kaluwalhatian;
ngunit kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukublihan.
13Siyang nagtatakip ng kanyang mga pagsuway ay hindi sasagana,
ngunit ang nagpapahayag at tumatalikod sa mga iyon ay magtatamo ng awa.
14Mapalad ang tao na sa Panginoon ay natatakot tuwina,
ngunit siyang nagmamatigas ng kanyang puso ay mahuhulog sa sakuna.
15Tulad ng umuungal na leon at ng osong sumasalakay,
gayon ang masamang pinuno sa maralitang bayan.
16Ang pinunong kulang sa pang-unawa ay isang malupit na manlulupig,
ngunit siyang namumuhi sa kasakiman, kanyang mga araw ay lalawig.
17Kung ang isang tao'y nagpapasan ng dugo ng sinuman,
hayaan siyang maging takas hanggang kamatayan;
huwag siyang tulungan ng sinuman.
18Maliligtas ang lumalakad sa katapatan,
ngunit ang baluktot sa kanyang mga lakad ay mahuhulog sa hukay.
19Siyang nagbubungkal ng kanyang lupain ay magkakaroon ng saganang tinapay;
ngunit siyang sumusunod sa mga walang kabuluhang gawa ay maghihirap nang lubusan.
20Ang taong tapat ay sasagana sa pagpapala;
ngunit siyang nagmamadali sa pagyaman ay tiyak na parurusahan.
21Hindi mabuti ang may kinikilingan;
ngunit gagawa ng masama ang isang tao dahil sa isang pirasong tinapay.
22Ang kuripot ay nagmamadali sa pagyaman,
at hindi nalalaman na darating sa kanya ang kasalatan.
23Siyang sumasaway sa isang tao ay makakasumpong sa ibang araw ng higit na pagpapala,
kaysa sa taong kunwari'y pumupuri sa pamamagitan ng dila.
24Ang nagnanakaw sa kanyang ama o sa kanyang ina,
at nagsasabi, “Hindi ito masama,”
ay kasamahan ng maninira.
25Nag-uudyok ng away ang taong sakim,
ngunit ang nagtitiwala sa Panginoon ay payayamanin.
26Siyang nagtitiwala sa kanyang sariling puso ay hangal;
ngunit maliligtas ang lumalakad na may katalinuhan.
27Siyang nagbibigay sa dukha ay hindi kakapusin,
ngunit siyang nagkukubli ng kanyang mga mata, sa sumpa'y pararamihin.
28Kapag ang masama ay bumabangon, ang mga tao'y nagkukubli,
ngunit kapag sila'y namatay, ang matuwid ay dumarami.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 28: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001