MGA KAWIKAAN 23
23
Iba't ibang Aral at Paalala
1Kapag ikaw ay umupo upang kumain na kasalo ng isang pinuno,
pansinin mong mabuti kung ano ang nasa harap mo;
2at ang lalamunan mo'y lagyan mo ng patalim,
kung ikaw ay isang taong magana sa pagkain.
3Huwag mong nasain ang kanyang masasarap na pagkain,
sapagkat mapandaya ang mga pagkaing iyon.
4Huwag magpakapagod sa pagpapayaman,
maging matalino ka na ang sarili'y mapigilan.
5Kapag mapadako doon ang iyong paningin, iyon ay napaparam;
sapagkat biglang nagkakapakpak ang kayamanan,
lumilipad na gaya ng agila patungong kalangitan.
6Tinapay ng kuripot ay huwag mong kainin,
ni nasain mo man ang kanyang masarap na pagkain.
7Sapagkat kung ano ang iniisip niya sa loob niya, ay gayon siya:
“Kumain at uminom ka!” sabi niya sa iyo;
ngunit ang puso niya ay hindi sumasaiyo.
8Ang subo na iyong kinain ay iyong iluluwa,
at iyong sasayangin ang matatamis mong salita.
9Huwag kang magsalita sa pandinig ng hangal,
sapagkat ang karunungan ng mga salita mo ay hahamakin niya lamang.
10Huwag mong alisin ang lumang batong pananda,
at huwag mong pasukin ang mga bukid ng ulila,
11sapagkat ang kanilang Manunubos ay makapangyarihan;
ang kanilang panig laban sa iyo'y kanyang ipagsasanggalang.
12Ihilig mo ang iyong puso sa pangaral,
at ang iyong mga tainga sa mga salita ng kaalaman.
13Huwag mong ipagkait sa bata ang saway,
kung hampasin mo siya ng pamalo, siya'y hindi mamamatay.
14Kung siya'y hahampasin mo ng pamalo,
mula sa Sheol ang kanyang kaluluwa'y ililigtas mo.
15Kung ang iyong puso ay marunong, aking anak,
ang puso ko rin naman ay magagalak.
16Ang kaluluwa ko'y matutuwa,
kapag ang iyong mga labi'y nagsasalita ng tama.
17Huwag mainggit ang iyong puso sa mga makasalanan,
kundi magpatuloy ka sa takot sa Panginoon sa buong araw.
18Sapagkat tunay na may kinabukasan,
at ang iyong pag-asa ay hindi mapaparam.
19Makinig ka, anak ko, at ikaw ay magpakatalino,
at iyong patnubayan sa daan ang puso mo.
20Huwag kang makisama sa mga maglalasing,
at silang sa karne ay matatakaw kumain.
21Sapagkat ang lasenggo at ang matakaw ay darating sa kahirapan,
at ang pagkaantukin ay magbibihis sa tao ng basahan.
22Dinggin mo ang iyong ama na naging anak ka,
at huwag mong hamakin ang iyong ina kung siya'y matanda na.
23Bumili ka ng katotohanan at huwag mong ipagbili naman,
bumili ka ng karunungan, ng pangaral at kaunawaan.
24Ang ama ng matuwid ay lubos na sasaya,
at ang nagkaroon ng matalinong anak ay magagalak sa kanya.
25Hayaang ang iyong ama at ina ay sumaya,
at siyang nagsilang sa iyo ay lumigaya.
26Anak ko, ang puso mo sa akin ay ibigay,
at magmasid#23:26 o malugod. ang iyong mga mata sa aking mga daan.
27Sapagkat ang masamang babae ay isang malalim na hukay,
at ang babaing di kilala ay isang makipot na balon.
28Oo, siya'y nag-aabang na parang tulisan,
at nagpaparami ng mga taksil sa mga kalalakihan.
29Sinong may pagkaaba? Sinong may kalungkutan?
Sinong may gulo? Sinong may karaingan?
Sino ang may sugat na walang kadahilanan?
Sino ang may matang may kapulahan?
30Silang naghihintay sa alak;
silang sumusubok ng pinaghalong alak.
31Huwag kang tumingin sa alak kapag ito'y mapula,
kapag nagbibigay ng kanyang kulay sa kopa,
at maayos na bumababa.
32Sa huli ay parang ahas itong kumakagat,
at ulupong na tumutuklaw ang katulad.
33Ang iyong mga mata ay makakakita ng mga kakatuwang bagay,
at ang iyong puso ay magsasabi ng mga mandarayang bagay.
34Ikaw ay magiging parang taong nahihiga sa gitna ng karagatan,
o parang nahihiga sa dulo ng isang tagdan ng sasakyan.
35“Kanilang pinalo ako, ngunit hindi ako nasaktan;
hinampas nila ako, ngunit hindi ko naramdaman.
Kailan ako gigising?
Hahanap ako ng isa pang tagay.”
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 23: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001