MGA KAWIKAAN 20
20
1Ang alak ay manunuya, ang matapang na inumin ay manggugulo;
at sinumang naililigaw nito ay hindi matalino.
2Ang matinding poot ng hari ay parang ungal ng leon;
ang gumagalit sa kanya ay nagkakasala laban sa kanyang buhay.
3Karangalan para sa isang tao ang umiwas sa alitan;
ngunit bawat hangal ay makikipag-away.
4Ang tamad ay hindi nag-aararo sa tagginaw;
siya'y maghahanap sa anihan, at walang matatagpuan.
5Ang layunin sa puso ng tao ay parang malalim na tubig;
ngunit sa taong may kaunawaan, ito'y kanyang iniigib.
6Maraming tao ang naghahayag ng sariling katapatan,
ngunit sinong makakatagpo ng taong tapat?
7Ang taong matuwid na lumalakad sa katapatan niya—
mapapalad ang kanyang mga anak na susunod sa kanya!
8Ibinubukod ng haring nakaupo sa trono ng kahatulan
sa pamamagitan ng kanyang mga mata, ang lahat ng kasamaan.
9Sinong makapagsasabi, “Puso ko'y aking nalinisan;
ako'y malinis mula sa aking kasalanan”?
10Iba't ibang panimbang, at iba't ibang sukatan,
parehong sa Panginoon ay karumaldumal.
11Ang bata man ay nakikilala sa pamamagitan ng kanyang mga gawa,
kung ang kanyang ginagawa ay malinis at tama.
12Ang nakikinig na tainga, at ang nakakakitang mata,
ang Panginoon ang parehong gumawa sa kanila.
13Huwag mong ibigin ang pagtulog, baka humantong ka sa kahirapan,
imulat mo ang iyong mga mata, at mabubusog ka ng tinapay.
14“Walang halaga, walang halaga,” sabi ng mamimili;
ngunit kapag nakalayo na siya, saka siya magmamalaki.
15Mayroong ginto, at napakaraming mga batong mahal,
ngunit mahalagang hiyas ang mga labi ng kaalaman.
16Kunin mo ang suot ng taong nananagot sa di-kilala;
at tanggapan mo ng sangla ang nananagot sa mga banyaga.
17Matamis sa isang tao ang tinapay na nakuha sa pandaraya,
ngunit pagkatapos, ang kanyang bibig ay mapupuno ng graba.
18Natatatag sa pamamagitan ng payo ang bawat panukala;
sa pamamagitan ng matalinong patnubay ikaw ay makipagdigma.
19Ang naghahatid ng tsismis ay naghahayag ng mga lihim;
kaya't ang nagsasalita ng kahangalan ay huwag mong kasamahin.
20Kung sumumpa sa kanyang ama o sa kanyang ina ang sinuman,
ang kanyang ilawan ay papatayin sa pusikit na kadiliman.
21Ang mana na madaling nakuha sa pasimula,
sa katapusan ay hindi mapagpapala.
22Huwag mong sabihin, “Ang masama'y aking gagantihan,”
maghintay ka sa Panginoon, at ikaw ay kanyang tutulungan.
23Ang paiba-ibang panimbang, sa Panginoon ay karumaldumal,
at hindi mabuti ang madadayang timbangan.
24Ang mga lakad ng tao ay sa Panginoon;
paano ngang mauunawaan ng tao ang kanyang lakad?
25Isang bitag sa tao ang padalus-dalos na magsabi, “Ito ay banal,”
at pagkatapos gumawa ng mga panata, saka pa magbubulay-bulay.
26Ibinubukod ng matalinong hari ang masama,
at sa gulong sila'y ipinasasagasa.
27Ilawan ng Panginoon ang espiritu ng tao,
na sumisiyasat ng kaloob-looban nito.
28Ang nagpapanatili sa hari ay katapatan at katotohanan,
at ang kanyang trono ay inaalalayan ng katuwiran.
29Ang kaluwalhatian ng mga kabataan ay ang kanilang kalakasan,
at ang kagandahan ng matatanda ay ang ulo nilang may uban.
30Ang mga latay na sumusugat ay lumilinis ng kasamaan;
at ang mga hampas ay nagpapadalisay sa kaloob-looban.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 20: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001