Anak ko, kung ang mga salita ko'y iyong tatanggapin, at mga utos ko sa iyo ay iyong pagyayamanin, ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig, at sa pang-unawa ang puso mo'y ihilig. Kung ikaw ay sumigaw upang makaalam, at itinaas ang iyong tinig upang makaunawa, kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin, at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin, kung magkagayo'y ang takot sa PANGINOON ay iyong mauunawaan, at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan. Sapagkat ang PANGINOON ay nagbibigay ng karunungan, sa kanyang bibig nagmumula ang kaalaman at kaunawaan. Pinaglalaanan niya ang matuwid ng magaling na karunungan, siya'y kalasag sa mga lumalakad na may katapatan, upang mabantayan niya ang mga landas ng katarungan, at maingatan ang daan ng kanyang mga banal. Kung magkagayo'y mauunawaan mo ang katuwiran, ang katarungan at ang katapatan, bawat mabuting daan. Sapagkat papasok sa iyong puso ang karunungan, at magiging kaaya-aya sa iyong kaluluwa ang kaalaman. Ang mabuting pagpapasiya ang magbabantay sa iyo, ang pagkaunawa ang mag-iingat sa iyo. Ililigtas ka nito sa daan ng kasamaan, mula sa mga taong nagsasalita ng masasamang bagay; na nagpapabaya sa mga landas ng katuwiran, upang lumakad sa mga daan ng kadiliman; na nagagalak sa paggawa ng kasamaan, at sa mga kalikuan ng kasamaan ay nasisiyahan; na mga lihis sa kanilang mga lakad, at mga suwail sa kanilang mga landas.
Basahin MGA KAWIKAAN 2
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MGA KAWIKAAN 2:1-15
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas