MGA KAWIKAAN 17
17
1Mas mabuti ang isang tuyong tinapay na may katahimikan,
kaysa bahay na punô ng pistahan ngunit may kaguluhan.
2Ang aliping gumagawang may katalinuhan ay mamamahala sa anak na gumagawa ng kahihiyan,
at gaya ng isa sa magkakapatid, sa mana ay babahaginan.
3Ang dalisayan ay para sa pilak at ang hurno ay sa ginto,
ngunit sinusubok ng Panginoon ang mga puso.
4Nakikinig sa masasamang labi ang gumagawa ng masama,
at ang sinungaling ay nakikinig sa masamang dila.
5Ang humahamak sa dukha ay lumalait sa kanyang Maylalang,
at ang natutuwa sa kasawiang-palad ay walang pagsalang parurusahan.
6Ang mga apo ay korona ng matatanda,
at ang kaluwalhatian ng mga anak ay ang mga magulang nila.
7Hindi bagay sa hangal ang pinong pananalita,
lalo na ang mga mandarayang mga labi, sa isang namamahala.
8Ang suhol ay parang mahiwagang bato sa mga mata ng nagbibigay,
saanman pumihit siya'y nagtatagumpay.
9Ang nagpapatawad ng kasalanan ay humahanap ng pagmamahalan,
ngunit ang nagpapaulit-ulit sa usapin ay naghihiwalay ng magkakaibigan.
10Ang saway ay tumatagos sa taong may kaunawaan,
kaysa isandaang hampas sa isang taong hangal.
11Ang masamang tao'y naghahanap lamang ng paghihimagsik,
kaya't ipadadala laban sa kanya ay isang sugong mabagsik.
12Hayaang masalubong ng isang tao ang babaing oso na ang mga anak ay ninakaw,
kaysa sa isang hangal sa kanyang kahangalan.
13Kung gumanti ng kasamaan ang isang tao sa kabutihan,
ang kasamaan ay hindi hihiwalay sa kanyang sambahayan.
14Gaya ng pagpapalabas ng tubig ang pasimula ng alitan,
kaya't huminto na bago sumabog ang away.
15Siyang nagpapawalang-sala sa masama, at siyang nagpaparusa sa matuwid,
ay kapwa kasuklamsuklam sa Panginoon.
16Bakit kailangang may halaga sa kamay ng hangal upang ibili ng karunungan,
gayong wala naman siyang kaunawaan?
17Ang kaibigan sa lahat ng panahon ay nagmamahal,
at ang isang kapatid ay ipinanganak para sa kagipitan.
18Ang taong walang katinuan ay nagbibigay ng sangla,
at nagiging tagapanagot sa harapan ng kanyang kapwa.
19Ang umiibig sa pagsalangsang ay umiibig sa alitan;
ang nagtataas ng kanyang pintuan ay humahanap ng kapahamakan.
20Ang taong may baluktot na diwa ay hindi sasagana,
at siyang may masamang dila ay nahuhulog sa sakuna.
21Ang anak na hangal sa kanyang ama'y kalungkutan,
at ang ama ng isang hangal ay walang kagalakan.
22Isang mabuting gamot ang masayang puso,
ngunit ang bagbag na diwa, sa mga buto'y tumutuyo.
23Ang masama ay tumatanggap ng suhol mula sa kandungan,
upang baluktutin ang mga daan ng katarungan.
24Ang taong may unawa ay humaharap sa karunungan,
ngunit nasa mga dulo ng daigdig ang mga mata ng hangal.
25Ang hangal na anak ay kalungkutan sa kanyang ama,
at kapaitan sa babaing nagsilang sa kanya.
26Hindi mabuti na parusahan ang matuwid,
isang kamalian na ang maharlika'y mahagupit.
27Siyang pumipigil ng kanyang mga salita ay may kaalaman,
at siyang may diwang malamig ay taong may kaunawaan.
28Maging ang hangal kapag tumatahimik ay maituturing na marunong,
inaari siyang matalino, kapag mga labi niya'y itinitikom.
Kasalukuyang Napili:
MGA KAWIKAAN 17: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001