Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

FILIPOS 4:6-19

FILIPOS 4:6-19 ABTAG01

Huwag kayong mabalisa sa anumang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay, sa pamamagitan ng panalangin at pagsamo na may pagpapasalamat ay ipaalam ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos. At ang kapayapaan ng Diyos, na hindi maabot ng pag-iisip, ang mag-iingat ng inyong mga puso at mga pag-iisip kay Cristo Jesus. Kahuli-hulihan, mga kapatid, anumang bagay na totoo, anumang bagay na kagalang-galang, anumang bagay na matuwid, anumang bagay na malinis, anumang bagay na kaibig-ibig, anumang bagay na kapuri-puri, kung mayroong anumang kagalingan, at kung may anumang nararapat papurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito. Ang mga bagay na inyong natutunan, tinanggap, narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo; at ang Diyos ng kapayapaan ay sasainyo. Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon. Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan. Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan. Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin. Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian. At kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang; sapagkat kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan. Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo. Ngunit mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos. At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.