MGA BILANG 8
8
Ang Pitong Ilaw sa Santuwaryo
1Nagsalita#Exo. 25:31-40; 37:17-24 ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
2“Sabihin mo kay Aaron, ‘Kapag sinindihan mo ang mga ilaw ay magbibigay liwanag ang pitong ilaw sa harap ng ilawan.’”
3At gayon ang ginawa ni Aaron. Kanyang sinindihan ang mga ilaw upang magliwanag sa harap ng ilawan, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises.
4Ito ang pagkagawa ng ilawan, na yari sa gintong pinitpit; mula sa patungan niyon hanggang sa mga bulaklak niyon ay pinitpit ayon sa anyo na ipinakita ng Panginoon kay Moises ay gayon niya ginawa ang ilawan.
Paglilinis sa mga Levita
5Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6“Kunin mo ang mga Levita sa gitna ng mga anak ni Israel at linisin mo sila.
7At ganito ang gagawin mo sa kanila, upang maging malinis sila. Iwisik mo sa kanila ang tubig na panlinis ng kasalanan, ahitan nila ang buong katawan nila, labhan nila ang kanilang mga suot, at sa gayo'y lilinisan nila ang kanilang sarili.
8Kumuha sila ng isang batang toro at ng handog na butil niyon, na mainam na harina na hinaluan ng langis, at kukuha ka ng ibang batang toro na handog pangkasalanan.
9Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng toldang tipanan at titipunin mo ang buong sambayanan ng mga anak ni Israel.
10Ihaharap mo ang mga Levita sa harap ng Panginoon. At ipapatong ng mga anak ni Israel ang kanilang mga kamay sa mga Levita.
11Ihahandog ni Aaron ang mga Levita sa harap ng Panginoon bilang handog na iwinagayway sa mga anak ni Israel upang kanilang gawin ang paglilingkod sa Panginoon.
12At ipapatong ng mga Levita ang kanilang mga kamay sa mga ulo ng mga batang toro at ihandog mo ang isa na handog pangkasalanan, at ang isa'y handog na sinusunog sa Panginoon, upang itubos sa mga Levita.
13Patayuin mo ang mga Levita sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak, at ihahandog mo ang mga iyon bilang handog na iwinagayway sa Panginoon.
14“Ganito mo ibubukod ang mga Levita mula sa mga anak ni Israel at ang mga Levita ay magiging akin.
15Pagkatapos nito ay papasok ang mga Levita, upang gawin ang paglilingkod sa toldang tipanan pagkatapos na malinisan mo sila bilang handog na iwinagayway.
16Sapagkat sila'y buong ibinigay sa akin mula sa mga anak ni Israel; kinuha ko silang kapalit ng lahat ng nagbubukas ng bahay-bata, ng mga panganay sa lahat ng mga Israelita.
17Sapagkat#Exo. 13:2 lahat ng mga panganay sa mga Israelita ay akin, maging tao o hayop. Nang araw na aking lipulin ang lahat ng mga panganay sa lupain ng Ehipto ay aking itinalaga sila para sa akin.
18At aking kinuha ang mga Levita sa halip na ang lahat ng mga panganay sa mga Israelita.
19Aking ibinigay ang mga Levita na kaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak mula sa mga anak ni Israel upang gawin nila ang paglilingkod sa mga anak ni Israel sa toldang tipanan, upang ipantubos sa mga anak ni Israel, at nang huwag magkaroon ng salot sa mga anak ni Israel kapag ang mga anak ni Israel ay lumalapit sa santuwaryo.”
20Ganito ang ginawa nina Moises at Aaron, at ng buong sambayanan ng mga anak ni Israel sa mga Levita. Ayon sa lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel sa kanila.
21Ang mga Levita ay naglinis ng kanilang sarili sa kasalanan, at naglaba ng kanilang mga damit. Sila'y inihandog ni Aaron bilang handog na iwinagayway sa harap ng Panginoon; at si Aaron ay gumawa ng pagtubos sa kanila upang linisin sila.
22At pagkatapos niyon ay pumasok ang mga Levita upang gawin ang kanilang paglilingkod sa toldang tipanan sa harap ni Aaron at ng kanyang mga anak. Kung paano ang iniutos ng Panginoon kay Moises tungkol sa mga Levita ay gayon ang ginawa nila sa kanila.
23Nagsalita ang Panginoon kay Moises, na sinasabi,
24“Ito ang nauukol sa mga Levita: mula dalawampu't limang taong gulang pataas ay papasok upang gampanan ang gawaing paglilingkod sa toldang tipanan.
25Mula sa limampung taong gulang ay titigil sila sa katungkulan sa paglilingkod at hindi na sila maglilingkod.
26Ngunit sila'y maaaring tumulong sa kanilang mga kapatid sa toldang tipanan sa pagsasagawa ng kanilang mga katungkulan, ngunit sila'y walang gagawing paglilingkod. Gayon ang gagawin mo sa mga Levita tungkol sa kanilang mga katungkulan.”
Kasalukuyang Napili:
MGA BILANG 8: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001