Nagsalita ang PANGINOON kay Moises, na sinasabi,
“Sabihin mo sa mga anak ni Israel, ‘Kapag ang sinumang lalaki o babae ay gagawa ng panata ng isang Nazirita upang italaga ang sarili para sa PANGINOON,
ay lalayo siya sa alak at sa matapang na inumin. Siya'y hindi iinom ng tubang mula sa alak, o anumang inuming nakalalasing, ni iinom man ng anumang katas ng ubas o kakain man ng ubas na sariwa o pinatuyo.
Sa lahat ng araw ng kanyang pagiging Nazirita, hindi siya kakain ng anumang bagay na ibinubunga ng puno ng ubas, magmula sa mga butil hanggang sa balat.
“Sa lahat ng araw ng kanyang panata bilang Nazirita ay walang pang-ahit na daraan sa ibabaw ng kanyang ulo; hanggang sa matapos ang mga araw nang pagkabukod ng kanyang sarili sa PANGINOON, siya'y magiging banal; kanyang pababayaang humaba ang buhok ng kanyang ulo.
“Sa lahat ng araw ng kanyang pagbubukod ng kanyang sarili para sa PANGINOON, ay hindi siya lalapit sa bangkay.
Maging sa kanyang ama o sa kanyang ina, o sa kanyang kapatid na lalaki, o babae, kapag sila'y namatay ay hindi siya magpapakarumi, sapagkat ang kanyang pagkakabukod para sa Diyos ay nasa kanyang ulo.
Sa lahat ng araw ng kanyang pagkabukod ay banal siya sa PANGINOON.
“At kung ang sinuman ay biglang mamatay sa tabi niya at nadungisan niya ang kanyang ulong itinalaga, aahitan niya ang kanyang ulo sa araw ng kanyang paglilinis; sa ikapitong araw ay aahitan niya ito.
Sa ikawalong araw ay magdadala siya ng dalawang batu-bato o dalawang batang kalapati sa pari sa pintuan ng toldang tipanan.
Ihahandog ng pari ang isa na handog pangkasalanan at ang isa'y handog na sinusunog at itutubos sa kanya, sapagkat siya'y nagkasala dahil sa bangkay, at itatalaga niya ang kanyang ulo sa araw ding iyon.
At itatalaga niya sa PANGINOON ang mga araw ng kanyang pagkabukod, at siya'y magdadala ng isang korderong lalaki na isang taong gulang na handog pangkasalanan subalit ang mga unang araw ay mawawalan ng kabuluhan, sapagkat ang kanyang pagkabukod ay nadungisan.
“At ito ang batas tungkol sa Nazirita, kapag natapos na ang mga araw ng kanyang pagkabukod, siya'y dadalhin sa pintuan ng toldang tipanan.
At kanyang ihahandog ang kanyang alay sa PANGINOON, na isang korderong lalaki na isang taon na walang kapintasan, bilang handog na sinusunog, at isang korderong babae na isang taon na walang kapintasan bilang handog pangkasalanan at isang lalaking tupa na walang kapintasan bilang handog pangkapayapaan,
at isang bakol na tinapay na walang pampaalsa, mga munting tinapay ng piling harina na hinaluan ng langis at maninipis na tinapay na walang pampaalsa na pinahiran ng langis, at ang handog na butil niyon at ang mga handog na inumin niyon.
Ihaharap iyon ng pari sa harapan ng PANGINOON, at ihahandog ang kanyang handog pangkasalanan at ang kanyang handog na sinusunog.
Kanyang ihahandog sa PANGINOON ang lalaking tupa bilang handog pangkapayapaan na kalakip ng bakol ng mga tinapay na walang pampaalsa. Ihahandog din ng pari ang handog na butil niyon at ang handog na inumin niyon.
Ang Nazirita ay mag-aahit ng kanyang ulo ng pagkatalaga doon sa pintuan ng toldang tipanan at kanyang dadamputin ang buhok ng kanyang ulo ng pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng alay na handog pangkapayapaan.
At kukunin ng pari ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang pampaalsa sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang pampaalsa, at ilalagay sa mga kamay ng Nazirita, pagkatapos makapag-ahit ng buhok ng kanyang pagkatalaga.
Ang mga ito ay iwawagayway ng pari bilang handog na iwinagayway sa harapan ng PANGINOON; ito'y banal sa pari, pati ang dibdib na iwinagayway at ang hitang inialay; at pagkatapos nito, ang Nazirita ay maaari nang uminom ng alak.
“Ito ang batas para sa Nazirita na nagpanata. Ang kanyang alay sa PANGINOON ay magiging ayon sa kanyang panata bilang Nazirita, bukod pa sa kanyang nakayanan; ayon sa kanyang panata na kanyang ipinangako ay gayon niya dapat gawin, ayon sa batas para sa kanyang pagkabukod bilang isang Nazirita.”