Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA BILANG 32:1-15

MGA BILANG 32:1-15 ABTAG01

Ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad ay may lubhang napakaraming hayop. Nang kanilang makita ang lupain ng Jazer at ang lupain ng Gilead ay mabuting lugar iyon para sa hayop, lumapit at nagsalita ang mga anak ni Gad at ang mga anak ni Ruben kay Moises, sa paring si Eleazar, at sa mga pinuno ng sambayanan, na sinasabi: “Ang Atarot, Dibon, Jazer, Nimra, Hesbon, Eleale, Saban, Nebo, at ang Beon, na lupaing winasak ng PANGINOON sa harap ng kapulungan ng Israel ay lupaing mabuti para sa hayop, at ang iyong mga lingkod ay may mga hayop.” At sinabi nila, “Kung kami ay nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ibigay sa iyong mga lingkod ang lupaing ito bilang ari-arian; at huwag mo na kaming patawirin sa Jordan.” Sinabi ni Moises sa mga anak ni Gad at sa mga anak ni Ruben, “Pupunta ba ang inyong mga kapatid sa pakikipaglaban, samantalang kayo'y nakaupo rito? At bakit pinanghihina ninyo ang loob ng mga anak ni Israel, upang huwag magpatuloy sa lupain na ibinigay ng PANGINOON sa kanila? Ganyan ang ginawa ng inyong mga ninuno nang sila'y aking suguin, mula sa Kadesh-barnea upang lihim na siyasatin ang lupain. Sapagkat nang sila'y makaahon sa libis ng Escol at makita ang lupain, ay kanilang pinanghina ang loob ng mga anak ni Israel upang huwag pumasok sa lupain na ibinigay ng PANGINOON sa kanila. Ang galit ng PANGINOON ay nagningas nang araw na iyon, at siya'y sumumpa na sinasabi, ‘Tunay na walang taong lumabas sa Ehipto, mula sa dalawampung taong gulang pataas na makakakita ng lupain na aking ipinangako kina Abraham, Isaac, at Jacob; sapagkat sila'y hindi lubos na sumunod sa akin; liban kay Caleb na anak ni Jefone na Kenizeo, at si Josue na anak ni Nun sapagkat sila'y lubos na sumunod sa PANGINOON.’ Ang galit ng PANGINOON ay nagningas laban sa Israel, at kanyang pinagala-gala sila sa ilang nang apatnapung taon hanggang sa ang buong salinlahing iyon na gumawa ng masama sa paningin ng PANGINOON ay nalipol. At, ngayo'y bumangon kayo na kapalit ng inyong mga ninuno, supling ng mga taong makasalanan, upang dagdagan pa ninyo ang matinding galit ng PANGINOON sa Israel. Sapagkat kung kayo'y lumihis ng pagsunod sa kanya ay kanyang muling iiwan sila sa ilang; at inyong lilipulin ang buong bayang ito.”