Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA BILANG 28:3-31

MGA BILANG 28:3-31 ABTAG01

Iyong sasabihin sa kanila, “Ito ang handog na pinaraan sa apoy na inyong ihahandog sa PANGINOON; mga korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, dalawa araw-araw, bilang palagiang handog na sinusunog. Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa umaga, at ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw, at ang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling butil bilang handog na butil na hinaluan ng ikaapat na bahagi ng isang hin ng langis na hinalo. Iyon ay isang palagiang handog na sinusunog, na iniutos sa bundok ng Sinai na mabangong samyo ng handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Ang handog na inumin ay ang ikaapat na bahagi ng isang hin para sa isang kordero. Sa dakong banal ka magbubuhos ng handog na inumin na matapang na inumin para sa PANGINOON. Ang isang kordero ay iyong ihahandog sa paglubog ng araw gaya ng handog na butil sa umaga. Gaya ng handog na inumin ay iyong ihahandog iyon bilang isang handog na pinaraan sa apoy, bilang mabangong samyo sa PANGINOON. “Sa araw ng Sabbath ay dalawang korderong lalaki na isang taong gulang na walang kapintasan, at dalawang ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis, at ang handog na inumin niyon. Ito ang handog na sinusunog sa bawat Sabbath, bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at ang inuming handog niyon. Sa simula ng inyong mga buwan ay maghahandog kayo ng handog na sinusunog sa PANGINOON; dalawang batang toro at isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang at walang kapintasan; at tatlong ikasampung bahagi ng isang efa ng piling harina bilang handog na butil na hinaluan ng langis para sa bawat toro; at dalawang ikasampung bahagi ng piling harina bilang handog na butil, na hinaluan ng langis para sa isang lalaking tupa; at isang ikasampung bahagi ng piling harina na hinaluan ng langis bilang handog na butil para sa bawat kordero; handog na sinusunog na mabangong samyo, handog sa PANGINOON na pinaraan sa apoy. Ang kanilang magiging handog na inumin ay kalahati ng isang hin ng alak para sa toro, at ang ikatlong bahagi ng isang hin ay para sa lalaking tupa, at ang ikaapat na bahagi ng isang hin ay para sa kordero. Ito ang handog na sinusunog sa bawat buwan sa lahat ng buwan ng taon. Isang kambing na lalaki na handog sa PANGINOON dahil sa kasalanan; ihahandog ito bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at sa inuming handog niyon. PANGINOON Sa ikalabing-apat na araw ng unang buwan ay paskuwa ng PANGINOON. Sa ikalabinlimang araw ng buwang ito ay magkakaroon ng isang pista; pitong araw na kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa. Sa unang araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon; huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain, kundi maghahandog kayo sa PANGINOON ng isang handog na pinaraan sa apoy, na handog na sinusunog: dalawang batang toro, isang lalaking tupa, pitong korderong lalaki na isang taong gulang, na walang kapintasan; gayundin ang kanilang handog na butil na piling handog na harina na hinaluan ng langis, tatlong ikasampung bahagi ang inyong ihahandog para sa isang toro, at dalawang ikasampung bahagi para sa lalaking tupa; at isang ikasampung bahagi ang iyong ihahandog para sa bawat isa sa pitong kordero; at isang kambing na lalaki na handog pangkasalanan upang ipantubos sa inyo. Inyong ihahandog ang mga ito bukod pa sa handog na sinusunog sa umaga, bilang palagiang handog na sinusunog. Sa ganitong paraan ninyo ihahandog araw-araw, sa loob ng pitong araw ang pagkain na handog na pinaraan sa apoy na mabangong samyo sa PANGINOON. Ihahandog ito bukod pa sa palagiang handog na sinusunog at sa inuming handog. Sa ikapitong araw ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon. Huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain. Gayundin sa araw ng mga unang bunga, sa paghahandog ninyo ng handog na bagong butil sa PANGINOON sa inyong pista ng mga sanlinggo, ay magkakaroon kayo ng isang banal na pagtitipon, huwag kayong gagawa ng anumang mabigat na gawain, kundi kayo'y maghahandog ng isang handog na sinusunog na mabangong samyo sa PANGINOON; dalawang batang toro, isang lalaking tupa, at pitong korderong lalaki na isang taong gulang. Ang handog na butil, na piling harina na hinaluan ng langis ay tatlong ikasampung bahagi para sa bawat toro, dalawang ikasampung bahagi sa isang lalaking tupa, isang ikasampung bahagi sa bawat kordero para sa pitong kordero; isang kambing na lalaki upang ipantubos sa inyo. Bukod pa sa palagiang handog na sinusunog, at sa handog na butil niyon, ay inyong ihahandog ang mga iyon kasama ang mga inuming handog. Ang mga ito ay dapat walang kapintasan.