Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA BILANG 24:1-14

MGA BILANG 24:1-14 ABTAG01

Nang makita ni Balaam na ikinatuwa ng PANGINOON na pagpalain ang Israel, hindi siya pumunta na gaya nang una, upang maghanap ng tanda, kundi kanyang iniharap ang kanyang mukha sa dakong ilang. Itinaas ni Balaam ang kanyang paningin, at kanyang nakita ang Israel na nagkakampo ayon sa kanilang mga lipi; at ang Espiritu ng Diyos ay dumating sa kanya. At binigkas niya ang kanyang talinghaga, na sinasabi: “Ang sinabi ni Balaam na anak ni Beor, ang sinabi ng lalaking bukas ang mga mata, ang sabi niya na nakarinig ng mga salita ng Diyos, na nakakita ng pangitain ng Makapangyarihan sa lahat, na nakalugmok ngunit bukas ang mga mata. Napakaganda ng iyong mga tolda, O Jacob, ang iyong mga himpilan, O Israel! Gaya ng mga libis na abot hanggang sa malayo, gaya ng mga halamanan sa tabi ng ilog, gaya ng aloe na itinanim ng PANGINOON, gaya ng mga puno ng sedro sa tabi ng ilog. Ang tubig ay aagos mula sa kanyang pang-igib, at ang kanyang binhi ay matatatag sa maraming tubig, ang kanyang hari ay tataas ng higit kay Agag, at ang kanyang kaharian ay matatanyag. Ang Diyos ang naglalabas sa kanya sa Ehipto; may lakas na gaya ng mabangis na toro. Kanyang lalamunin ang mga bansa na kanyang mga kaaway, at kanyang babaliin ang kanilang mga buto, at papanain sila ng kanyang mga palaso. Siya'y yumuko, siya'y lumugmok na parang leon, at parang isang babaing leon, sinong gigising sa kanya? Pagpalain nawa ang lahat na nagpapala sa iyo, at sumpain ang lahat na sumusumpa sa iyo.” Ang galit ni Balak ay nagningas laban kay Balaam. Isinuntok ni Balak ang kanyang mga kamay at sinabi kay Balaam, “Tinawag kita upang iyong sumpain ang aking mga kaaway, ngunit binasbasan mo sila nang tatlong ulit. Ngayon nga ay umalis ka patungo sa iyong lugar. Aking inisip na lubos kitang gantimpalaan ngunit pinigil ng PANGINOON ang iyong gantimpala.” At sinabi ni Balaam kay Balak, “Di ba sinabi ko rin sa iyong mga sugo, kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto ay hindi ako maaaring lumampas sa salita ng PANGINOON na gumawa ng mabuti o masama sa aking sariling kalooban. Kung ano ang sabihin ng PANGINOON ay siya kong sasabihin? Ngayon, ako'y pupunta sa aking bayan. Pumarito ka at aking ipahahayag sa iyo ang gagawin ng bayang ito sa iyong bayan sa mga huling araw.”