Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA BILANG 11:10-35

MGA BILANG 11:10-35 ABTAG01

Narinig ni Moises ang pag-iiyakan ng bayan sa kanilang sambahayan, na ang lahat ay nasa pintuan ng kanilang tolda. At ang PANGINOON ay galit na galit, at sumama ang loob ni Moises. Kaya't sinabi ni Moises sa PANGINOON, “Bakit mo ginawan ng masama ang iyong lingkod? Bakit hindi ako nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, na iyong iniatang sa akin ang pasanin ng buong bayang ito? Akin bang ipinaglihi ang buong bayang ito? Ipinanganak ko ba sila upang iyong sabihin sa akin, ‘Kandungin mo sila sa iyong kandungan, na gaya ng nag-aalagang magulang na kinakalong ang kanyang anak na pasusuhin,’ tungo sa lupain na iyong ipinangako sa kanilang mga ninuno? Saan ako kukuha ng karne upang ibigay sa buong bayang ito? Sapagkat sila'y umiyak sa akin, na nagsasabi, ‘Bigyan mo kami ng karneng makakain namin.’ Hindi ko kayang dalhing mag-isa ang buong bayang ito, sapagkat ang pasanin ay napakabigat para sa akin. Kung ganito ang pakikitungong gagawin mo sa akin ay patayin mo na ako. Kung ako'y nakasumpong ng biyaya sa iyong paningin, huwag mo nang ipakita sa akin ang aking paghihirap.” Kaya't sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Magtipon ka para sa akin ng pitumpung lalaki sa matatanda sa Israel, na iyong nalalaman na matatanda sa bayan at mga nangunguna sa kanila; at dalhin mo sa toldang tipanan upang sila'y makatayo roon na kasama mo. Ako'y bababa at makikipag-usap sa iyo doon; at ako'y kukuha ng espiritu na nasa iyo at aking isasalin sa kanila. Kanilang dadalhin ang pasanin ng bayan na kasama mo, upang huwag mong dalhing mag-isa. At sabihin mo sa bayan: Italaga ninyo ang inyong sarili para bukas, at kayo'y kakain ng karne, sapagkat kayo'y nagsisiiyak sa pandinig ng PANGINOON, na sinasabi, ‘Sinong magbibigay sa amin ng karne na aming makakain? Sapagkat mabuti pa noong nasa Ehipto kami.’ Dahil dito bibigyan kayo ng PANGINOON ng karne at kakain kayo. Hindi ninyo kakainin nang isang araw lamang, ni dalawang araw, ni limang araw, ni sampung araw, ni dalawampung araw; kundi isang buong buwan, hanggang sa lumabas sa inyong mga ilong, at inyong pagsawaan; sapagkat inyong itinakuwil ang PANGINOON na nasa gitna ninyo, at kayo'y umiyak sa harap niya, na nagsasabi, ‘Bakit pa kami umalis sa Ehipto?’” Ngunit sinabi ni Moises, “Ang bayang kasama ko ay animnaraang libong katao, at iyong sinabi, ‘Akin silang bibigyan ng karne na kanilang makakain sa buong buwan.’ Kakatayin ba kaya ang mga kawan at mga bakahan upang magkasiya sa kanila? O ang lahat ng isda sa dagat ay huhulihin sa kanila upang magkasiya sa kanila?” Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Umikli na ba ang kamay ng PANGINOON? Ngayo'y makikita mo kung ang aking salita ay matutupad sa iyo o hindi.” Kaya't si Moises ay lumabas, at sinabi sa bayan ang mga salita ng PANGINOON. Siya'y nagtipon ng pitumpung lalaki sa matatanda sa bayan at kanyang pinatayo sa palibot ng tolda. At ang PANGINOON ay bumaba sa ulap at nagsalita sa kanya; at kumuha sa espiritung nasa kanya at isinalin sa pitumpung matatanda at nangyari, na nang bumaba sa kanila ang espiritu ay nagpropesiya sila. Ngunit hindi na nila iyon ginawa muli. Ngunit naiwan ang dalawang lalaki sa kampo; ang pangalan ng isa ay Eldad at ang isa ay Medad at ang espiritu ay bumaba sa kanila. Sila'y kabilang sa nakatala, ngunit hindi lumabas sa tolda kaya't sila'y nagpropesiya sa kampo. Tumakbo ang isang binata at nagsabi kay Moises, “Sina Eldad at Medad ay nagsalita ng propesiya sa kampo.” Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ni Moises, na isa sa kanyang mga piling lalaki ay sumagot, “Aking panginoong Moises, pagbawalan mo sila!” Ngunit sinabi ni Moises sa kanya, “Ikaw ba'y naninibugho para sa akin? Mangyari nawa na ang buong bayan ng PANGINOON ay maging propeta na ilagay sa kanila ng PANGINOON ang kanyang espiritu!” At bumalik sa kampo si Moises at ang matatanda sa Israel. At lumabas ang isang hangin galing sa PANGINOON, at ito'y nagdala ng mga pugo mula sa dagat, at pinalapag sa kampo na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampo, mga dalawang siko ang kapal sa ibabaw ng lupa. Ang bayan ay nakatindig sa buong araw na iyon at sa buong gabi, at sa buong ikalawang araw, at nanghuli ng mga pugo. Yaong kaunti ang natipon ay nakatipon ng sampung omer at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampo. Ngunit samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa bago ito naubos ay nagningas ang galit ng PANGINOON laban sa bayan at pinatay ng PANGINOON ang mga tao ng matinding salot. Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Kibrot-hataava, sapagkat doon nila inilibing ang bayang nagkaroon ng masidhing pananabik. Mula sa Kibrot-hataava ay naglakbay ang bayan patungo sa Haserot; at sila'y namalagi sa Haserot.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MGA BILANG 11:10-35

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya