Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA BILANG 10:11-36

MGA BILANG 10:11-36 ABTAG01

Nang ikalawang taon, nang ikadalawampung araw ng ikalawang buwan, ang ulap ay pumaitaas mula sa tabernakulo ng patotoo. At ang mga anak ni Israel ay nagsisulong, ayon sa mga yugto ng kanilang paglalakbay mula sa ilang ng Sinai; at ang ulap ay huminto sa ilang ng Paran. Kanilang pinasimulan ang kanilang paglalakbay ayon sa utos ng PANGINOON sa pamamagitan ni Moises. At unang sumulong ang watawat ng kampo ng mga anak ni Juda ayon sa kanilang mga pangkat; at nangunguna sa kanyang pangkat si Naashon na anak ni Aminadab. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Isacar si Natanael na anak ni Suar. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Zebulon si Eliab na anak ni Helon. Nang maibaba ang tabernakulo, lumakad na ang mga anak ni Gershon at ang mga anak ni Merari, na mga may dala ng tabernakulo. Ang watawat ng kampo ni Ruben ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisur na anak ni Sedeur. Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Simeon si Selumiel na anak ni Zurishadai. Nanguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Gad si Eliasaf na anak ni Deuel. Ang mga Kohatita ay sumulong na dala ang mga banal na bagay at itinayo ng iba ang tabernakulo bago sila dumating. Ang watawat ng kampo ng mga anak ni Efraim ay sumulong ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Elisama na anak ni Amihud. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Manases si Gamaliel na anak ni Pedasur. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Benjamin si Abidan na anak ni Gideoni. At ang watawat ng kampo ng mga anak ni Dan na siyang nasa hulihan ng lahat ng mga kampo ay lumakad ayon sa kanilang mga pangkat at nangunguna sa kanyang hukbo si Ahiezer na anak ni Amisadai. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Aser si Pagiel na anak ni Ocran. Nangunguna sa hukbo ng lipi ng mga anak ni Neftali si Ahira na anak ni Enan. Ganito ang mga paglalakbay ng mga anak ni Israel, ayon sa kanilang mga hukbo, nang sila'y sumulong. Sinabi ni Moises kay Hobab na anak ni Reuel na Midianita, biyenan ni Moises: “Kami ay naglalakbay patungo sa dakong sinabi ng PANGINOON, ‘Aking ibibigay sa inyo.’ Sumama ka sa amin at gagawan ka namin ng mabuti sapagkat ang PANGINOON ay nangako ng mabuti tungkol sa Israel.” Ngunit sinabi niya sa kanya, “Ako'y hindi aalis; ako'y babalik sa aking sariling lupain at sa aking kamag-anak.” At sinabi ni Moises, “Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mo kaming iwan, sapagkat nalalaman mo kung paanong magkakampo kami sa ilang, at ikaw ay magiging mata para sa amin. At kung ikaw ay sasama sa amin, anumang mabuting gagawin ng PANGINOON sa amin, ay siya rin naming gagawin sa iyo.” Kaya't sila'y lumusong mula sa bundok ng PANGINOON ng tatlong araw na paglalakbay; at ang kaban ng tipan ng PANGINOON ay nasa unahan nila sa loob ng tatlong araw nilang paglalakbay, upang ihanap sila ng dakong kanilang mapagpapahingahan. Ang ulap ng PANGINOON ay nasa itaas nila kapag araw, tuwing sila'y susulong mula sa kampo. At kapag ang kaban ay isinulong na, sinasabi ni Moises, “Bumangon ka, O PANGINOON, at mangalat nawa ang mga kaaway mo, at tumakas sa harap mo ang napopoot sa iyo.” At kapag nakalapag ay kanyang sinasabi, “Bumalik ka, O PANGINOON ng laksang libu-libong Israelita.”