Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

NEHEMIAS 8:1-12

NEHEMIAS 8:1-12 ABTAG01

Ang buong bayan ay nagtipun-tipon na parang isang tao sa liwasang-bayan na nasa harapan ng Pintuang Tubig. Kanilang sinabi kay Ezra na eskriba na dalhin ang aklat ng kautusan ni Moises na ibinigay ng PANGINOON sa Israel. Dinala ng paring si Ezra ang aklat ng kautusan sa harapan ng kapulungan, na mga lalaki at mga babae, at sa lahat na makakarinig na may pang-unawa, nang unang araw ng ikapitong buwan. Siya'y bumasa mula roon sa harapan ng liwasan na nasa harapan ng Pintuang Tubig, mula sa madaling-araw hanggang sa katanghaliang-tapat sa harapan ng mga lalaki at mga babae at ng mga nakakaunawa; at ang mga pandinig ng buong bayan ay nakatuon sa pakikinig sa aklat ng kautusan. Si Ezra na eskriba ay tumayo sa pulpitong kahoy na kanilang ginawa para sa layuning ito. Sa tabi niya ay nakatayo sina Matithias, Shema, Anaias, Urias, Hilkias, at si Maasias ay nasa kanyang kanan. At sa kanyang kaliwa ay sina Pedaya, Misael, Malkia, Hasum, Hasbedana, Zacarias, at Mesulam. Binuksan ni Ezra ang aklat sa paningin ng buong bayan; (sapagkat siya'y nasa itaas ng buong bayan;) at nang ito'y kanyang buksan, ang buong bayan ay tumayo: Pinuri ni Ezra ang PANGINOON, ang dakilang Diyos. At ang buong bayan ay sumagot, “Amen, Amen,” na nakataas ang kanilang mga kamay; at kanilang iniyukod ang kanilang mga ulo at sumamba sa PANGINOON na ang kanilang mga mukha'y nakatungo sa lupa. Gayundin sina Jeshua, Bani, Sherebias, Jamin, Akub, Sabetai, Hodias, Maasias, Kelita, Azarias, Jozabed, Hanan, Pelaia, ang mga Levita ay tumulong sa taong-bayan upang maunawaan ang kautusan, samantalang ang taong-bayan ay nanatili sa kanilang kinatatayuan. Kaya't sila'y bumasa mula sa aklat, sa kautusan ng Diyos, na may pakahulugan. Kanilang ibinigay ang diwa, kaya't naunawaan ng mga tao ang binasa. Si Nehemias na tagapamahala, ang pari at eskribang si Ezra, at ang mga Levita na nagturo sa bayan ay nagsabi sa buong bayan, “Ang araw na ito ay banal sa PANGINOON ninyong Diyos; huwag kayong tumangis, ni umiyak man.” Sapagkat ang buong bayan ay umiyak nang kanilang marinig ang mga salita ng kautusan. Pagkatapos ay kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo sa inyong lakad, kumain kayo ng masarap na pagkain at uminom kayo ng matamis na alak, at magpadala kayo ng mga bahagi sa mga walang naihanda, sapagkat ang araw na ito ay banal sa ating PANGINOON. Huwag kayong malungkot, sapagkat ang kagalakan sa PANGINOON ang inyong kalakasan.” Sa gayo'y napatahimik ng mga Levita ang buong bayan, na sinasabi, “Kayo'y tumahimik, sapagkat ang araw na ito ay banal; huwag kayong malungkot.” Ang buong bayan ay humayo sa kanilang lakad upang kumain at uminom at magdala ng mga bahagi, at para gumawa ng malaking kasayahan, sapagkat kanilang naunawaan ang mga salitang ipinahayag sa kanila.

Gumagamit ang YouVersion ng cookies para gawing personal ang iyong karanasan. Sa paggamit sa aming website, tinatanggap mo ang aming paggamit ng cookies gaya ng inilarawan sa aming Patakaran sa Pribasya