Nang mabalitaan ni Sanballat na aming itinatayo ang pader, siya'y nagalit, labis na napoot at kanyang tinuya ang mga Judio.
At kanyang sinabi sa harapan ng kanyang mga kapatid at ng hukbo ng Samaria, “Anong ginagawa nitong mahihinang Judio? Ibabalik ba nila ang mga bagay? Mag-aalay ba sila? Makakatapos ba sila sa isang araw? Kanila bang bubuhayin ang mga bato mula sa mga bunton ng basura, bagaman nasunog na ang mga iyon?”
Si Tobias na Ammonita ay nasa tabi niya, at sinabi niya, “Kapag ang alinmang asong-ligaw ay umakyat roon, ibabagsak nito ang kanilang mga batong pader!”
Pakinggan mo, O aming Diyos, sapagkat kami ay hinamak; at ibalik mo ang kanilang pag-alipusta sa kanilang sariling ulo, at ibigay mo sila sa isang lupain upang pagnakawan na doo'y mga bihag sila.
Huwag mong pagtakpan ang kanilang kasalanan, at huwag mong pawiin ang kanilang pagkakasala sa harapan mo sapagkat kanilang ginalit ka sa harapan ng mga manggagawa.
Kaya't aming itinayo ang pader at ito ay napagdugtong hanggang sa kalahati ng taas niyon. Sapagkat ang taong-bayan ay may isang pag-iisip sa paggawa.
Ngunit nang mabalitaan nina Sanballat, Tobias, ng mga taga-Arabia, mga Ammonita, at ng mga Asdodita, na nagpapatuloy ang pagkukumpuni ng mga pader ng Jerusalem at ang mga sira ay nagsisimulang masarhan, sila'y galit na galit.
Silang lahat ay magkakasamang nagbalak na puntahan at labanan ang Jerusalem at gumawa ng kaguluhan doon.
Kami ay nanalangin sa aming Diyos, at naglagay ng bantay laban sa kanila sa araw at gabi.
Ngunit sinabi ng Juda, “Ang lakas ng mga tagapasan ay nauubos, at marami pang basura, hindi kami makagawa sa pader.”
At sinabi ng aming mga kalaban, “Hindi nila malalaman o makikita hanggang sa kami ay makarating sa gitna nila, at patayin sila, at patigilin ang gawain.”
Nang dumating ang mga Judio na naninirahang kasama nila, sinabi nila sa amin nang sampung ulit, “Mula sa lahat ng mga lugar na kanilang tinitirhan, sila ay aahon laban sa atin.”
Kaya't sa mga pinakamababang bahagi ng pagitan ng likuran ng pader, sa mga bukas na dako, aking inilagay ang mga tao ayon sa kanilang mga angkan, na hawak ang kanilang mga tabak, mga sibat, at ang kanilang mga pana.
Ako'y tumingin, tumayo, at sinabi sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Huwag kayong matakot sa kanila. Inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak, at ipaglaban ninyo ang inyong mga kapatid, ang inyong mga anak na lalaki at babae, ang inyong mga asawa, at ang inyong mga tahanan.”
Nang mabalitaan ng aming mga kaaway na iyon ay nalalaman na namin at binigo ng Diyos ang kanilang balak, kaming lahat ay nagbalik sa pader, bawat isa'y sa kanyang gawain.
Mula nang araw na iyon, kalahati sa aking mga lingkod ay gumawa sa pagtatayo, at ang kalahati ay humawak ng mga sibat, mga kalasag, mga pana, at mga baluti; at ang mga pinuno ay nasa likuran ng buong sambahayan ng Juda,
na gumagawa sa pader. Yaong mga nagpapasan ay pinagpapasan sa paraang ang bawat isa'y gumagawa sa pamamagitan ng isang kamay habang ang isa nama'y may hawak na sandata.
Bawat isa sa mga manggagawa ay may kanyang tabak na nakasukbit sa kanyang tagiliran habang gumagawa. Ang lalaking nagpapatunog ng trumpeta ay katabi ko.
Sinabi ko sa mga maharlika at sa mga pinuno, at sa iba pang taong-bayan, “Ang gawain ay malaki at malawak ang nasasaklaw, at tayo'y hiwa-hiwalay sa pader, malayo sa isa't-isa.
Sa lugar na inyong marinig ang tunog ng trumpeta, magsama-sama tayo roon. Ang Diyos natin ang lalaban para sa atin.”
Kaya't gumawa kami sa gawain, at kalahati sa kanila ay naghawak ng mga sibat mula sa pagbubukang-liwayway hanggang sa lumitaw ang mga bituin.
Sinabi ko rin nang panahong iyon sa taong-bayan, “Bawat lalaki at ang kanyang lingkod ay magpalipas ng gabi sa Jerusalem upang sila ay maging bantay para sa atin sa gabi at makagawa sa araw.”
Kaya't maging ako, ni ang aking mga kapatid, ang aking mga lingkod, at ang mga lalaking bantay na sumusunod sa akin, ay walang naghubad sa amin ng aming mga suot, bawat isa'y iningatan ang kanyang sandata sa kanyang kamay.