Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

NEHEMIAS 3

3
Muling Itinayo ang Pader ng Jerusalem
1Nang magkagayo'y si Eliasib na pinakapunong pari ay tumayong kasama ng kanyang mga kasamahang pari at kanilang itinayo ang Pintuan ng mga Tupa. Ito ay kanilang itinalaga at inilagay ang mga pinto niyon; kanilang itinalaga ito hanggang sa Tore ng Sandaan at hanggang sa Tore ng Hananel.
2Kasunod niya ay nagtayo ang mga lalaki ng Jerico. At kasunod nila ay nagtayo si Zacur na anak ni Imri.
3Ang Pintuan ng mga Isda ay itinayo ng mga anak ni Senaa; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang.
4Kasunod nila ay nagkumpuni si Meremot na anak ni Urias, na anak ni Hakoz. At kasunod nila ay nagkumpuni si Mesulam, na anak ni Berequias, na anak ni Mesezabel. At kasunod nila ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Baana.
5Kasunod nila ay nagkumpuni ang mga Tekoita; ngunit hindi inilagay ng kanilang mga maharlika ang kanilang mga leeg sa gawain ng kanilang mga panginoon.
6Ang Matandang Pintuan ay kinumpuni nina Joiada na anak ni Pasea at ni Mesulam na anak ni Besodias; kanilang inilapat ang mga biga nito, at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon.
7Kasunod nila ay nagkumpuni sina Melatias na Gibeonita, Jadon na Meronotita, at ang mga lalaking taga-Gibeon at taga-Mizpa, na nasa ilalim ng pamamahala ng gobernador ng lalawigan sa kabila ng Ilog.
8Kasunod nila ay nagkumpuni si Uziel na anak ni Harhaias na panday-ginto. At kasunod nila ay nagkumpuni si Hananias na isa sa mga gumagawa ng pabango, at kanilang muling itinayo ang Jerusalem hanggang sa Maluwang na Pader.
9Kasunod nila ay nagkumpuni si Refaias na anak ni Hur, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem.
10Kasunod nila ay nagkumpuni si Jedias na anak ni Harumaf, sa tapat ng kanyang bahay. At kasunod niya ay nagkumpuni si Hatus na anak ni Hashabneias.
11Ang ibang bahagi at ang Tore ng mga Pugon ay kinumpuni nina Malkia na anak ni Harim at Hashub na anak ni Pahat-moab.
12Kasunod nila ay nagkumpuni si Shallum na anak ni Hallohes, na pinuno ng kalahating distrito ng Jerusalem, siya at ang kanyang mga anak na babae.
13Kinumpuni ni Hanun at ng mga mamamayan ng Zanoa ang Pintuan ng Libis; muli nila itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at mga halang niyon, at kinumpuni ang isang libong siko ng pader, hanggang sa Pintuan ng Dumi.
14Ang Pintuan ng Dumi ay kinumpuni ni Malkia na anak ni Recab, na pinuno ng distrito ng Bet-hacquerim; muli niya itong itinayo at inilagay ang mga pinto, mga kandado, at ang mga halang niyon.
15Ang Pintuan ng Bukal ay kinumpuni ni Shallum na anak ni Colhoze, na pinuno ng distrito ng Mizpa; muli niya itong itinayo at tinakpan, inilagay ang mga pinto, kandado, at mga halang niyon. Kanyang ginawa ang pader ng Tipunan ng Tubig ng Shela sa tabi ng halamanan ng hari, hanggang sa mga baytang na paibaba mula sa lunsod ni David.
16Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Nehemias na anak ni Azbuk, na pinuno ng kalahating distrito ng Bet-zur, hanggang sa dakong katapat ng mga libingan ni David, hanggang sa tipunan ng tubig na gawa ng tao, at hanggang sa bahay ng mga mandirigma.
Mga Levitang Gumawa sa Pader
17Kasunod niya ay nagkumpuni ang mga Levita: si Rehum na anak ni Bani. Kasunod niya, si Hashabias na pinuno ng kalahating distrito ng Keila ay nagkumpuni para sa kanyang distrito.
18Kasunod niya ay nagkumpuni ang kanilang mga kapatid: si Binui na anak ni Henadad, na pinuno ng kalahating distrito ng Keila.
19Kasunod niya ay kinumpuni ni Eser na anak ni Jeshua, na pinuno ng Mizpa, ang ibang bahagi sa tapat ng gulod sa taguan ng mga sandata sa pagliko.
20Kasunod niya ay masikap na kinumpuni ni Baruc na anak ni Zabbai ang ibang bahagi, mula sa may pagliko hanggang sa pintuan ng bahay ni Eliasib na pinakapunong pari.
21Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Meremot, na anak ni Urias na anak ni Hakoz ang ibang bahagi mula sa pintuan ng bahay ni Eliasib hanggang sa dulo ng bahay ni Eliasib.
Ang mga Paring Gumawa sa Pader
22Pagkatapos niya ay nagkumpuni ang mga pari, ang mga lalaking mula sa Kapatagan.
23Pagkatapos nila ay nagkumpuni sina Benjamin at Hashub sa tapat ng kanilang bahay. Pagkatapos nila ay nagkumpuni si Azarias na anak ni Maasias, na anak ni Ananias, sa tabi ng kanyang sariling bahay.
24Pagkatapos niya ay kinumpuni ni Binui na anak ni Henadad ang ibang bahagi, mula sa bahay ni Azarias hanggang sa pagliko, at hanggang sa sulok.
25Si Paal na anak ni Uzai ay nagkumpuni sa tapat ng pagliko, at sa toreng lumalabas mula sa mas mataas na bahay ng hari na nasa tabi ng bulwagan ng bantay. Pagkatapos niya, si Pedaya na anak ni Faros,
26at ang mga lingkod sa templo na nakatira sa Ofel ay nagkumpuni hanggang sa dakong nasa tapat ng Pintuan ng Tubig sa dakong silangan at sa toreng nakalabas.
27Kasunod niya ay kinumpuni ng mga Tekoita ang ibang bahagi sa tapat ng malaking tore na nakalabas hanggang sa pader ng Ofel.
28Sa itaas ng Pintuan ng Kabayo, ang mga pari ay nagkumpuni, bawat isa sa tapat ng kanyang sariling bahay.
29Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Zadok na anak ni Imer sa tapat ng kanyang sariling bahay. Kasunod niya ay nagkumpuni si Shemaya na anak ni Shecanias na bantay sa Silangang Pintuan.
30Pagkatapos niya ay kinumpuni nina Hananias na anak ni Shelemias, at ni Anun na ikaanim na anak ni Salaf, ang ibang bahagi. Kasunod nila ay kinumpuni ni Mesulam na anak ni Berequias ang tapat ng kanyang silid.
31Pagkatapos niya ay nagkumpuni si Malkia na isa sa mga panday-ginto, hanggang sa bahay ng mga lingkod sa templo at ng mga mangangalakal sa tapat ng Pintuan ng Hamifcad, at sa itaas na silid ng panulukan.
32At sa pagitan ng itaas na silid ng panulukan at ng Pintuan ng mga Tupa, ang mga panday-ginto at ang mga mangangalakal ay nagkumpuni.

Kasalukuyang Napili:

NEHEMIAS 3: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in