Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

NEHEMIAS 12:31-43

NEHEMIAS 12:31-43 ABTAG01

Pagkatapos ay isinama ko ang mga pinuno ng Juda sa ibabaw ng pader, at humirang ng dalawang malaking pulutong na nagpasalamat at sunud-sunod na lumakad. Ang isa'y tumungo sa kanan sa ibabaw ng pader sa dako ng Pintuan ng Tapunan ng Dumi; at sumusunod sa kanila si Hoshaias at ang kalahati sa mga pinuno ng Juda, at sina Azarias, Ezra, Mesulam, Juda, Benjamin, Shemaya, at Jeremias, at ang iba sa mga anak ng mga pari na may mga trumpeta: si Zacarias na anak ni Jonathan, na anak ni Shemaya, na anak ni Matanias, na anak ni Micaya, na anak ni Zacur, na anak ni Asaf; at ang kanyang mga kapatid na sina Shemaya, Azarel, Milalai, Gilalai, Maai, Natanael, Juda, at si Hanani, na may mga kagamitang panugtog ni David na tao ng Diyos; at si Ezra na eskriba ay nasa unahan nila. Sa Pintuang Bukal, sa harapan nila, ay umakyat sila sa pamamagitan ng mga baytang ng lunsod ni David, sa akyatan sa pader, sa ibabaw ng bahay ni David, hanggang sa Pintuan ng Tubig sa dakong silangan. Ang isa pang pulutong ng mga nagpapasalamat ay nagtungo sa kaliwa, at ako'y sumunod sa hulihan nila na kasama ko ang kalahati ng taong-bayan, sa ibabaw ng pader, sa itaas ng Tore ng mga Pugon, hanggang sa Maluwang na Pader; at sa ibabaw ng Pintuan ng Efraim, at sa tabi ng Matandang Pintuan at sa may Pintuan ng Isda, at sa Tore ng Hananel, at sa Tore ng Isandaan, hanggang sa Pintuan ng mga Tupa; at sila'y huminto sa Pintuan ng Bantay. Kaya't ang mga pulutong na nagpasalamat ay parehong tumayo sa bahay ng Diyos, at ako at ang kalahati sa mga pinuno na kasama ko; at ang mga paring sina Eliakim, Maasias, Miniamin, Micaya, Elioenai, Zacarias, at si Hananias, na may mga trumpeta; at si Maasias, Shemaya, Eleazar, Uzi, Jehohanan, Malkia, Elam, at si Eser. At ang mga mang-aawit ay nagsiawit na kasama si Jezrahias bilang kanilang pinuno. At sila'y naghandog ng malalaking alay nang araw na iyon, at nagalak, sapagkat sila'y pinagalak ng Diyos ng malaking pagkagalak. Ang mga babae at ang mga bata ay nagalak din. At ang kagalakan ng Jerusalem ay narinig hanggang sa malayo.