Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 9:17-27

MARCOS 9:17-27 ABTAG01

At isa sa maraming tao ay sumagot sa kanya, “Guro, dinala ko sa iyo ang aking anak na lalaki na may isang piping espiritu. Tuwing siya'y aalihan nito, ibinubuwal siya, nagbububula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin at siya'y naninigas. Sinabi ko sa iyong mga alagad na palayasin iyon ngunit hindi nila magawa.” Sumagot siya at sinabi sa kanila, “Kayong lahing walang pananampalataya, hanggang kailan pa ako makikisama sa inyo? Hanggang kailan pa ako magtitiis sa inyo? Dalhin ninyo siya sa akin.” At dinala nila ang batang lalaki sa kanya. Nang makita siya ng espiritu, agad nitong pinangisay ang bata at siya'y nalugmok sa lupa, at nagpagulung-gulong na bumubula ang bibig. Tinanong ni Jesus ang ama, “Gaano katagal nang nangyayari ito sa kanya?” Sinabi niya, “Mula pa sa pagkabata. Madalas na siya'y inihahagis nito sa apoy at sa tubig upang siya'y puksain, ngunit kung mayroon kang bagay na magagawa, maawa ka sa amin at tulungan mo kami.” Sinabi sa kanya ni Jesus, “Kung kaya mo! Ang lahat ng bagay ay maaaring mangyari sa kanya na nananampalataya.” Agad sumigaw ang ama ng bata na sinasabi, “Nananampalataya ako; tulungan mo ang kawalan ko ng pananampalataya!” At nang makita ni Jesus na dumarating na sama-samang tumatakbo ang maraming tao, sinaway niya ang masamang espiritu, na sinasabi, “Ikaw na pipi at binging espiritu, iniuutos ko sa iyo, lumabas ka sa kanya at huwag ka nang papasok muli sa kanya.” Pagkatapos magsisigaw at lubhang pangisayin ang bata, lumabas ito at ang bata'y naging anyong patay, kaya't marami ang nagsabing siya'y patay na. Ngunit hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon at nagawa niyang tumayo.

Mga Libreng Babasahing Gabay at Debosyonal na may kaugnayan sa MARCOS 9:17-27