Ang mga apostol ay nagtipon sa harap ni Jesus at ibinalita nila sa kanya ang lahat ng kanilang ginawa at itinuro. At sinabi niya sa kanila, “Pumunta kayo ng bukod sa isang dakong ilang at magpahinga kayo nang sandali.” Sapagkat marami ang nagpaparoo't parito at sila'y hindi man lamang nagkaroon ng panahong kumain. Umalis nga silang bukod, sakay ng isang bangka patungo sa isang dakong ilang. Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at sila'y nakilala. Kaya't tumakbo sila mula sa lahat ng mga bayan at nauna pang dumating sa kanila. Pagbaba niya sa pampang nakita niya ang napakaraming tao at nahabag siya sa kanila, sapagkat sila'y tulad sa mga tupa na walang pastol. At sila'y sinimulan niyang turuan ng maraming bagay. Nang gumagabi na, lumapit sa kanya ang kanyang mga alagad at nagsabi, “Ito ay isang ilang na dako at gumagabi na. Paalisin mo na sila upang makapunta sa mga bukid at mga nayon sa paligid at makabili sila ng anumang makakain.” Ngunit sumagot siya sa kanila, “Bigyan ninyo sila ng makakain.” At sinabi nila sa kanya, “Aalis ba kami upang bumili ng dalawang daang denariong tinapay at ipapakain namin sa kanila?” At sinabi niya sa kanila, “Ilang tinapay mayroon kayo? Humayo kayo at inyong tingnan.” Nang malaman nila ay kanilang sinabi, “Lima, at dalawang isda.” Pagkatapos ay iniutos niya sa kanila na paupuin silang lahat nang pangkat-pangkat sa luntiang damo. Kaya't umupo sila nang pangkat-pangkat, nang tig-iisandaan at tiglilimampu. Kinuha niya ang limang tinapay at ang dalawang isda, tumingala siya sa langit, pinagpala at pinagputul-putol ang mga tinapay at ibinigay niya sa mga alagad upang ipamahagi sa mga tao. At ipinamahagi niya sa kanilang lahat ang dalawang isda. Kumain silang lahat at nabusog. Kanilang pinulot ang labindalawang kaing na punô ng pira-pirasong tinapay at mga isda. Ang mga kumain ng mga tinapay ay limang libong lalaki. Agad niyang pinasakay sa bangka ang kanyang mga alagad at pinauna sa kanya sa kabilang ibayo, sa Bethsaida, hanggang sa mapauwi na niya ang maraming tao. Pagkatapos na makapagpaalam siya sa kanila, umakyat siya sa bundok upang manalangin.
Basahin MARCOS 6
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng Bersyon: MARCOS 6:30-46
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas