Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 5

5
Pinagaling ni Jesus ang Inaalihan ng Masamang Espiritu
(Mt. 8:28-34; Lu. 8:26-39)
1Dumating sila sa kabilang ibayo ng dagat, sa lupain ng mga Geraseno.#5:1 Sa ibang mga kasulatan ay Gergeseno o Gadareno.
2Nang bumaba siya sa bangka, isang lalaki na may masamang espiritu ang agad na sumalubong sa kanya mula sa mga libingan.
3Siya'y naninirahan sa mga libingan at wala nang makapigil sa kanya kahit na may tanikala.
4Sapagkat madalas na siya'y ginagapos ng mga kadena at mga tanikala ngunit nilalagot niya ang mga tanikala, at pinagpuputul-putol ang mga kadena. Walang taong may lakas na makasupil sa kanya.
5Sa gabi't araw ay palagi siyang nagsisisigaw sa mga libingan at sa mga kabundukan, at sinusugatan ang sarili ng mga bato.
6Nang matanaw niya si Jesus sa malayo, tumakbo siya at si Jesus#5:6 Sa Griyego ay siya. ay kanyang sinamba.
7Siya'y sumigaw ng may malakas na tinig, “Ano ang pakialam mo sa akin, Jesus, Anak ng Kataas-taasang Diyos? Ipinapakiusap ko sa iyo, alang-alang sa Diyos, na huwag mo akong pahirapan.”
8Sapagkat sinabi niya sa kanya, “Lumabas ka sa taong iyan, ikaw na masamang espiritu.”
9At tinanong siya ni Jesus, “Ano ang pangalan mo?” Sumagot siya, “Lehiyon#5:9 LEHIYON: Isang pangkat sa Hukbong Romano na binubuo ng 5,000 hanggang 6,000 kawal. ang pangalan ko sapagkat marami kami.”
10Nagmakaawa siya sa kanya na huwag silang palayasin sa lupain.
11Noon ay may isang malaking kawan ng mga baboy na nanginginain sa libis ng bundok.
12Nakiusap sila sa kanya, “Papuntahin mo kami sa mga baboy upang kami ay makapasok sa kanila.”
13At sila'y kanyang pinahintulutan. Ang mga masamang espiritu ay lumabas at pumasok sa mga baboy. Ang kawan na may bilang na mga dalawang libo ay bumulusok sa matarik na bangin patungong dagat at nalunod sila sa dagat.
14Ang mga nagpapakain sa kanila ay tumakas at ibinalita sa lunsod at sa mga nayon. Kaya't nagdatingan ang mga tao upang tingnan kung ano ang nangyari.
15Lumapit sila kay Jesus at nakita nila ang inalihan ng mga demonyo na nakaupo roon na may damit at matino ang pag-iisip, ang taong nagkaroon ng isang lehiyon, at sila'y natakot.
16At sinabi sa kanila ng mga nakakita rito kung anong nangyari sa inalihan ng mga demonyo at sa mga baboy.
17Sila'y nagpasimulang makiusap kay Jesus#5:17 Sa Griyego ay sa kanya. na lisanin ang pook nila.
18Nang sumasakay na siya sa bangka, ang lalaking inalihan ng mga demonyo ay nakiusap na siya'y isama niya.
19Ngunit tumanggi siya at sinabi sa kanya, “Umuwi ka sa iyong mga kaibigan at ibalita mo sa kanila ang lahat ng ginawa ng Panginoon para sa iyo at kung paanong kinaawaan ka niya.”
20At ang lalaki#5:20 Sa Griyego ay siya. ay lumisan at nagpasimulang ipahayag sa Decapolis ang lahat ng ginawa ni Jesus para sa kanya; at namangha ang lahat.
Binuhay ang Anak ni Jairo at Pinagaling ang Isang Babae
(Mt. 9:18-26; Lu. 8:40-56)
21Nang si Jesus ay muling tumawid sakay ng bangka sa kabilang ibayo, nagtipon sa palibot niya ang napakaraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.
22Pagkatapos ay dumating ang isa sa mga pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Pagkakita sa kanya, nagpatirapa siya sa kanyang paanan,
23at nagsumamo sa kanya, na sinasabi, “Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo. Pumaroon ka at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kanya upang siya'y gumaling at mabuhay.”
24Siya'y sumama sa kanya. Sinundan siya ng napakaraming tao at siya'y siniksik nila.
25May isang babae na labindalawang taon nang dinudugo,
26at lubhang naghirap na sa maraming manggagamot. Nagugol na niya ang lahat ng nasa kanya at hindi siya gumaling ni kaunti man, kundi lalo pang lumubha.
27Narinig niya ang tungkol kay Jesus, lumapit siya sa karamihan sa likuran niya, at hinipo ang kanyang damit.
28Sapagkat sinasabi niya, “Kung mahipo ko man lamang ang kanyang damit ay gagaling na ako.”
29Kaagad napigil ang kanyang pagdurugo, at kanyang naramdaman sa kanyang katawan na magaling na siya sa malubha niyang sakit.
30Pagkabatid na may lumabas na kapangyarihan mula sa kanya, bumaling si Jesus sa karamihan at nagsabi, “Sino ang humipo sa aking damit?”
31Sinabi sa kanya ng kanyang mga alagad, “Nakikita mong sinisiksik ka ng karamihan, at sinasabi mo pang ‘Sino ang humipo sa akin?’”
32Tumingin siya sa buong paligid upang makita kung sino ang gumawa niyon.
33Ngunit ang babae palibhasa'y nalalaman ang nangyari sa kanya ay lumapit na natatakot at nanginginig, nagpatirapa sa harap niya, at sinabi sa kanya ang buong katotohanan.
34At sinabi ni Jesus sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng pananampalataya mo; umalis kang payapa, at gumaling ka sa sakit mo.”
35Samantalang nagsasalita pa siya, may mga taong dumating na galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, na nagsasabi, “Namatay na ang anak mong babae. Bakit mo pa inaabala ang Guro?”
36Ngunit hindi pinansin#5:36 Sa ibang mga kasulatan ay narinig. ni Jesus ang sinabi, at sinabi niya sa pinuno ng sinagoga, “Huwag kang matakot; manampalataya ka lamang.”
37At hindi niya ipinahintulot na may sumunod sa kanya, maliban kina Pedro, Santiago, at Juan na kapatid ni Santiago.
38Nang makarating sila sa bahay ng pinuno ng sinagoga, nakita niya ang pagkakagulo, ang mga pagtangis at malakas na iyakan.
39Pagkapasok niya ay kanyang sinabi sa kanila, “Bakit kayo nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata, kundi natutulog lamang.”
40Siya'y kanilang pinagtawanan, ngunit pinalabas niya ang lahat at isinama niya ang ama at ang ina ng bata at ang kanyang mga kasamahan. Pumasok sila sa kinaroroonan ng bata.
41Hinawakan niya ang kamay ng bata at sinabi sa kanya, “Talitha cum,”#5:41 Sa ibang mga kasulatan ay cumi. na ang kahulugan ay “Munting batang babae, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka!”
42Kaagad bumangon ang batang babae at nagpalakad-lakad (siya'y may labindalawang taon na). Kaagad silang namangha ng ganoon na lamang.
43Mahigpit niyang ipinag-utos sa kanila na walang dapat makaalam nito; at sinabi niya sa kanila na ang bata#5:43 Sa Griyego ay siya. ay bigyan ng makakain.

Kasalukuyang Napili:

MARCOS 5: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in