Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 4:21-41

MARCOS 4:21-41 ABTAG01

At sinabi niya sa kanila, “Inilalabas ba ang ilawan upang ilagay sa ilalim ng takalan, o sa ilalim ng higaan, at hindi sa talagang lalagyan ng ilawan? Sapagkat walang bagay na nakatago na hindi ihahayag; o walang nalilihim na hindi ilalantad sa liwanag. Kung ang sinuman ay may taingang ipandirinig, hayaan siyang makinig.” At sinabi niya sa kanila, “Pag-ingatan ninyo kung ano ang inyong pinapakinggan: sa panukat na inyong isinusukat, kayo'y susukatin; at higit pa ang sa inyo'y ibibigay. Sapagkat ang mayroon ay lalo pang bibigyan; at ang wala, pati na ang nasa kanya ay kukunin pa.” Sinabi niya, “Ang kaharian ng Diyos ay gaya ng isang taong naghahasik ng binhi sa lupa, at natutulog at bumabangon siya sa gabi at araw. Sumisibol at lumalaki ang binhi na hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa mismo ang nagpapasibol sa halaman, una ang usbong, saka ang uhay, pagkatapos ay ang uhay na hitik sa butil. Ngunit kapag hinog na ang bunga, agad niyang kinukuha ang karit, sapagkat dumating na ang pag-aani.” Kanyang sinabi, “Sa ano natin maihahambing ang kaharian ng Diyos; o anong talinghaga ang gagamitin natin para dito? Ito'y tulad sa butil ng binhi ng mustasa na kapag naihasik sa lupa, bagama't siyang pinakamaliit sa lahat ng mga binhi na nasa lupa, ngunit kapag ito'y naihasik ay tumutubo, nagiging mas malaki kaysa lahat ng mga halaman, at nagsasanga ng malalaki, anupa't ang mga ibon sa himpapawid ay nakakagawa ng mga pugad sa lilim nito.” Sa pamamagitan ng gayong maraming talinghaga, sinabi niya sa kanila ang salita, ayon sa kakayahan nilang makinig. At hindi siya nagsalita sa kanila maliban sa talinghaga ngunit sa kanyang sariling mga alagad ay sarilinan niyang ipinapaliwanag ang lahat ng mga bagay. Nang araw ding iyon, nang sumapit na ang gabi ay sinabi niya sa kanila, “Tumawid tayo sa kabilang ibayo.” Pagkaiwan sa maraming tao, siya'y kanilang isinama sa bangka, ayon sa kanyang kalagayan. At may iba pang mga bangka na kasama niya. At nagkaroon ng isang malakas na unos, sumalpok ang mga alon sa bangka, anupa't ang bangka ay halos napupuno na ng tubig. Ngunit siya'y nasa hulihan ng bangka at natutulog na may inuunan. Siya'y ginising nila, at sinabi sa kanya, “Guro, hindi ka ba nababahala na mapapahamak tayo?” Paggising niya ay sinaway niya ang hangin at sinabi sa dagat, “Pumayapa ka. Tumahimik ka!” Tumigil nga ang hangin at nagkaroon ng katahimikan. Sinabi niya sa kanila, “Bakit kayo natakot? Wala ba kayong pananampalataya?” Sila'y sinidlan ng malaking takot at sinabi sa isa't isa, “Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?”