At si Jesus ay muling lumabas sa tabi ng lawa. Nagtipon sa paligid niya ang napakaraming tao at sila'y kanyang tinuruan.
Habang siya'y naglalakad, nakita niya si Levi na anak ni Alfeo na nakaupo sa tanggapan ng buwis at sinabi sa kanya, “Sumunod ka sa akin.” Tumayo siya at sumunod sa kanya.
At nang siya'y nakaupo sa hapag-kainan sa bahay ni Levi, maraming maniningil ng buwis at mga makasalanan ang nakaupong kasalo ni Jesus at ng kanyang mga alagad sapagkat marami silang sumunod sa kanya.
Nang makita ng mga eskriba ng mga Fariseo na siya'y kumakaing kasalo ng mga makasalanan at ng mga maniningil ng buwis, sinabi nila sa kanyang mga alagad, “Bakit siya kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
Nang ito'y marinig ni Jesus, sinabi niya sa kanila, “Ang malalakas ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit. Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.”
Noon ay nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Fariseo. Sila'y lumapit at sinabi sa kanya, “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, ngunit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sinabi sa kanila ni Jesus, “Maaari bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan, samantalang ang lalaking ikakasal ay kasama pa nila? Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno.
Ngunit darating ang mga araw na kukunin sa kanila ang lalaking ikakasal at kung magkagayo'y mag-aayuno sila sa araw na iyon.
Walang nagtatagpi ng matibay na tela sa damit na luma. Kapag gayon, babatakin ng itinagpi, ang bago mula sa luma at lalong lalaki ang punit.
Walang naglalagay ng bagong alak sa mga lumang sisidlang balat. Kapag gayon, papuputukin ng alak ang mga balat at matatapon ang alak at masisira ang mga sisidlang balat. Sa halip, ang bagong alak ay inilalagay sa mga bagong sisidlang balat.”
Nang isang Sabbath, nagdaraan siya sa mga bukirin ng trigo, at samantalang sila'y nagdaraan ang kanyang mga alagad ay nagsimulang pumitas ng mga uhay.
Sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Tingnan mo, bakit nila ginagawa ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
At sinabi niya sa kanila, “Kailanman ba'y hindi ninyo nabasa ang ginawa ni David nang siya at ang kanyang mga kasamahan ay nagutom at nangailangan ng pagkain?
Kung paanong pumasok siya sa bahay ng Diyos, noong si Abiatar ang pinakapunong pari at kumain siya ng tinapay ng paghahandog, na hindi ipinahihintulot kainin maliban ng mga pari lamang at binigyan pa niya ang kanyang mga kasamahan?”
At sinabi niya sa kanila, “Ang Sabbath ay ginawa para sa tao, at hindi ang tao para sa Sabbath.
Kaya't ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”