Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 16:1-16

MARCOS 16:1-16 ABTAG01

Nang makaraan ang Sabbath, sina Maria Magdalena, Mariang ina ni Santiago, at si Salome, ay bumili ng mga pabango upang sila'y pumunta roon at siya'y pahiran. Pagka-umaga nang unang araw ng linggo, pagkasikat ng araw, pumunta sila sa libingan. Kanilang sinabi sa isa't isa, “Sino kaya ang magpapagulong ng bato para sa atin mula sa pasukan ng libingan?” Sa pagtanaw nila ay nakita nilang naigulong na ang bato na lubhang napakalaki. At pagpasok nila sa libingan, kanilang nakita ang isang binata na nakabihis ng isang damit na maputi, nakaupo sa gawing kanan at sila'y nagtaka. Ngunit sinabi niya sa kanila, “Huwag kayong magtaka; hinahanap ninyo si Jesus na taga-Nazaret na ipinako sa krus. Siya'y muling binuhay. Wala siya rito. Tingnan ninyo ang dakong pinaglagyan nila sa kanya! Subalit humayo kayo, sabihin ninyo sa kanyang mga alagad at kay Pedro na siya'y mauuna sa inyo sa Galilea. Doon ninyo siya makikita, ayon sa sinabi niya sa inyo.” At sila'y nagsilabas at nagsitakas mula sa libingan, sapagkat sila'y sinidlan ng sindak at pagkamangha, at wala silang sinabi kaninuman sapagkat sila'y natakot. [At ang lahat ng mga iniutos sa kanila ay sinabi ng maiksi sa mga nasa palibot ni Pedro. At pagkatapos si Jesus mismo ay nagsugo sa pamamagitan nila, mula sa silangan hanggang kanluran, ang banal at walang hanggang proklamasyon ng walang katapusang kaligtasan.] [Nang siya nga'y magbangon nang unang araw ng linggo ay una siyang nagpakita kay Maria Magdalena, na mula sa kanya'y pitong demonyo ang pinalayas niya. Siya'y lumabas at ibinalita sa mga naging kasama ni Jesus, samantalang sila'y nagluluksa at tumatangis. Ngunit nang kanilang mabalitaan na siya'y buháy at nakita ni Magdalena ay ayaw nilang maniwala. Pagkatapos ng mga ito ay nagpakita siya sa ibang anyo sa dalawa sa kanila noong sila'y naglalakad patungo sa bukid. At sila'y bumalik at ipinagbigay-alam ito sa mga iba ngunit hindi rin sila naniwala. At pagkatapos siya'y nagpakita sa labing-isa samantalang sila'y nakaupo sa hapag-kainan; sila'y kanyang pinagsabihan dahil sa kawalan nila ng pananampalataya at katigasan ng puso, sapagkat hindi nila pinaniwalaan ang mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay. At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo sa buong sanlibutan, at inyong ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng nilikha. Ang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas; ngunit ang hindi sumasampalataya ay parurusahan.

Video para sa MARCOS 16:1-16