Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MARCOS 15:21-32

MARCOS 15:21-32 ABTAG01

Pinilit nila ang isang nagdaraan, si Simon na taga-Cirene, na ama ni Alejandro at ni Rufo, na nanggaling sa bukid, upang pasanin niya ang krus ni Jesus. Siya'y kanilang dinala sa pook na tinatawag na Golgota na ang kahulugan ay ‘Ang pook ng bungo.’ At siya'y binigyan nila ng alak na hinaluan ng mira, ngunit hindi niya tinanggap iyon. Siya'y kanilang ipinako sa krus, at pinaghati-hatian ang kanyang mga damit na kanilang pinagsapalaran, kung alin ang kukunin ng bawat isa. Noo'y ikasiyam ng umaga nang siya'y kanilang ipinako sa krus. At ang pamagat ng pagkasakdal sa kanya ay isinulat sa ulunan, “Ang Hari ng mga Judio.” At ipinako sa krus na kasama niya ang dalawang tulisan; isa sa kanan, at isa sa kanyang kaliwa. [At natupad ang kasulatan, na nagsasabi: At siya'y ibinilang sa mga suwail.] Siya'y nilait ng mga nagdaraan, na umiiling at sinasabi, “Ah! ang gigiba sa templo at magtatayo nito sa loob ng tatlong araw, iligtas mo ang iyong sarili at bumaba ka sa krus.” Gayundin naman ang mga punong pari, kasama ng mga eskriba ay nilibak siya na sinasabi sa isa't isa, “Iniligtas niya ang iba; hindi niya mailigtas ang kanyang sarili. Bumaba ngayon mula sa krus ang Cristo, ang Hari ng Israel upang aming makita at paniwalaan.” At tinutuya rin siya ng mga kasama niyang nakapako sa krus.