MARCOS 11
11
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem
(Mt. 21:1-11; Lu. 19:28-40; Jn. 12:12-19)
1Nang malapit na sila sa Jerusalem, sa may Betfage at Betania, malapit sa bundok ng mga Olibo, sinugo ni Jesus#11:1 Sa Griyego ay niya. ang dalawa sa kanyang mga alagad,
2at sa kanila'y sinabi, “Pumunta kayo sa nayong nasa tapat ninyo at kaagad sa inyong pagpasok doon ay matatagpuan ninyo ang isang nakataling batang asno na hindi pa nasasakyan ng tao. Kalagan at kunin ninyo iyon.
3At kung may magsabi sa inyo, ‘Bakit ninyo ginagawa ito?’ sabihin ninyo, ‘Kailangan ito ng Panginoon’ at ipadadala niya agad rito.”
4Umalis sila at kanilang natagpuan ang batang asno na nakatali sa pintuan sa labas ng lansangan. At kinalagan nila ito.
5Ang ilan sa nakatayo roon ay nagsabi sa kanila, “Anong ginagawa ninyo na inyong kinakalagan ang batang asno?”
6At sinabi nila sa kanila ang sinabi ni Jesus at kanilang pinayagan sila.
7Pagkatapos, dinala nila ang batang asno kay Jesus at inilagay nila sa ibabaw ng batang asno ang kanilang mga balabal at siya'y sumakay rito.
8Maraming tao ang naglatag ng kanilang balabal sa daan at ang iba'y naglatag ng mga sanga na kanilang pinutol mula sa mga bukid.
9Ang#Awit 118:25, 26 mga nauuna at ang mga sumusunod ay nagsisigawan, “Hosana! Mapalad ang dumarating sa pangalan ng Panginoon!
10Mapalad ang dumarating na kaharian ng ating amang si David! Hosana sa kataas-taasan!”
11Pumasok siya sa Jerusalem at pumunta sa templo. Nang matingnan niya sa palibot ang lahat ng bagay, palibhasa'y hapon na, pumunta siya sa Betania na kasama ang labindalawa.
Isinumpa ni Jesus ang Puno ng Igos
(Mt. 21:18, 19)
12Kinabukasan, nang dumating sila mula sa Betania ay nagutom siya.
13At pagkatanaw niya sa malayo ng isang puno ng igos na may mga dahon, lumapit siya upang tingnan kung may matatagpuan siya roon. At nang siya'y makalapit doon, wala siyang natagpuang anuman kundi mga dahon, sapagkat hindi pa panahon ng mga igos.
14Sinabi niya rito, “Wala nang sinumang makakakain pa ng bunga mula sa iyo.” Ito'y narinig ng kanyang mga alagad.
Si Jesus sa Templo
(Mt. 21:12-17; Lu. 19:45-48; Jn. 2:13-22)
15Pagkatapos ay dumating sila sa Jerusalem. Pumasok siya sa templo at sinimulan niyang itaboy ang mga nagbibili at ang mga bumibili sa loob ng templo. Ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga nagpapalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagbibili ng mga kalapati.
16Hindi niya pinahintulutan ang sinuman na magdala ng anuman na padadaanin sa templo.
17Nagturo#Isa. 56:7; Jer. 7:11 siya at sinabi, “Hindi ba nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan para sa lahat ng mga bansa?’ Ngunit ginawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”
18Narinig ito ng mga punong pari at ng mga eskriba at sila'y naghanap ng paraan kung paano nila siya mapapatay, sapagkat natatakot sila sa kanya dahil maraming tao ang namangha sa kanyang aral.
19Nang sumapit na ang gabi, sila ay lumabas sa lunsod.
Ang Aral mula sa Namatay na Punong Igos
(Mt. 21:20-22)
20Kinaumagahan habang sila'y nagdaraan, nakita nila ang puno ng igos na natuyo mula sa mga ugat.
21Nang maalala ni Pedro ay sinabi niya sa kanya, “Rabi, tingnan mo! Ang puno ng igos na iyong isinumpa ay tuyo na.”
22At sumagot si Jesus sa kanila, “Magkaroon kayo ng pananampalataya sa Diyos.
23Katotohanang#Mt. 17:20; 1 Cor. 13:2 sinasabi ko sa inyo, na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabunot ka at mapatapon ka sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa kanyang puso, kundi naniniwala na mangyayari ang kanyang sinabi, ay mangyayari nga iyon sa kanya.
24Kaya nga sinasabi ko sa inyo, ang lahat ng bagay na iyong idalangin at hingin, paniwalaan ninyong tinanggap na ninyo at iyon ay mapapasainyo.
25Kapag#Mt. 6:14, 15 kayo'y nakatayo na nananalangin, magpatawad kayo kung mayroon kayong anumang laban sa kaninuman; upang patawarin kayo sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa langit.
26[Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin kayo patatawarin sa inyong mga kasalanan ng inyong Ama na nasa mga langit.]”
Pag-aalinlangan sa Awtoridad ni Jesus
(Mt. 21:23-27; Lu. 20:1-8)
27Sila'y muling pumunta sa Jerusalem. Samantalang naglalakad siya sa templo, lumapit sa kanya ang mga punong pari, ang mga eskriba, at ang matatanda.
28Sinabi nila sa kanya, “Sa anong awtoridad mo ginagawa ang mga bagay na ito? O sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na gawin ang mga bagay na ito?”
29Sinabi ni Jesus sa kanila, “Tatanungin ko kayo ng isang tanong. Sagutin ninyo ako at sasabihin ko sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.
30Ang bautismo ba ni Juan, ay mula sa langit, o sa mga tao? Sagutin ninyo ako.”
31Nagtalo sila sa isa't isa, “Kung sabihin natin, ‘Mula sa langit’ ay sasabihin niya, ‘Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?’
32Ngunit kung sabihin natin, ‘Mula sa mga tao’” ay natatakot sila sa maraming tao sapagkat kinikilala ng lahat na si Juan ay isang tunay na propeta.
33Kaya't sinagot nila si Jesus, “Hindi namin nalalaman.” Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sa anong awtoridad ko ginagawa ang mga bagay na ito.”
Kasalukuyang Napili:
MARCOS 11: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001