Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MATEO 9:27-34

MATEO 9:27-34 ABTAG01

Nang papaalis na si Jesus mula roon, sinundan siya ng dalawang lalaking bulag na sumisigaw ng malakas, “Mahabag ka sa amin, Anak ni David.” Nang makapasok na siya sa bahay, lumapit sa kanya ang mga lalaking bulag; at sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumasampalataya ba kayo na magagawa ko ito?” Sinabi nila sa kanya, “Opo, Panginoon.” Kaya't hinipo niya ang kanilang mga mata, na sinasabi, “Mangyari sa inyo ang ayon sa inyong pananampalataya.” At nabuksan ang kanilang mga mata. Mahigpit silang pinagbilinan ni Jesus, “Ingatan ninyo na walang makakaalam nito.” Ngunit sila ay umalis, at ikinalat ang balita tungkol sa kanya sa buong lupaing iyon. Nang makaalis na sila, dinala sa kanya ang isang lalaking pipi na inaalihan ng demonyo. Nang mapalabas na ang demonyo, nagsalita ang dating pipi. Namangha ang maraming tao at nagsabi, “Wala pang nakitang tulad nito sa Israel.” Ngunit sinabi ng mga Fariseo, “Nagpapalayas siya ng mga demonyo sa pamamagitan ng pinuno ng mga demonyo.”